Santa Rosa at Taguig, poporma sa NBL-Pilipinas
- BULGAR
- Jan 5, 2024
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 5, 2024

Mga laro ngayong Biyernes – Dominican College, Santa Rosa City
5 p.m. Taguig vs. Zambales
7 p.m. Santa Rosa vs. Makati
Handog ng 2023-2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) Chairman’s Cup sa Bagong Taon ang dalawang umaatikabong laro ngayong Biyernes sa Dominican College sa Santa Rosa City. Ipagtatanggol ng Eridanus Santa Rosa ang tahanan sa bisitang Circus Music Festival Makati sa salpukan ng 7 p.m. kasunod ang tapatan ng defending champion Taguig Generals at Boss ACE Zambales Eruption sa 5 p.m.
Mahigit isang buwan na walang aksyon ang Santa Rosa matapos buksan ang torneo sa 104-99 panalo sa kapitbahay na Tatak GEL Binan noong Dis. 1. Malaking hamon ang maipagpag ang kalawang at inaasahan na pamumunuan muli ang kanilang atake nina John Lester Maurillo, Alexander Junsay, Kiervin Revadavia at Dylan Garcia na mahusay ang ipinakita kontra Binan.
Sisikapin ng Makati na wakasan ang kanilang dalawang magkasunod na talo. Kailangan ng tulong sina PJ Intia, Rommel Saliente at Noah Lugo upang maiwasan na lalong mabaon sa ilalim ng liga.
Samantala, matalas pa rin ang porma ng kampeong Taguig at wala pa silang talo sa dalawang laro at isa sa mga ito ay sa Eruption, 110-103, noong noong Dis. 16. Susubukan ng Generals na umulit at sasandal sila sa shooting at anim na manlalaro ang gumagawa ng 10 o higit sa pangunguna ni Lerry John Mayo.
Alam ng baguhang koponang Zambales na kaya nilang sabayan ang mga beterano ng Taguig at kinapos lang sa huling quarter. Aabangan ang masipag na tambalan nina Allen Fomera at Lyndon del Rosario na nagsama para sa 60 puntos sa kanilang huling laban kung saan humabol at sinilat ang Cam Sur Express, 94-90.
Ngayong 2024 ay maraming inihandang regalo ang NBL-Pilipinas para sa kanilang tagahanga. Pinakamalaki dito ang binubuong torneo kasama mga kinatawan buhat sa NBL ng Estados Unidos at Singapore.








Comments