Sana all palengke may P25/kilong bigas
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | December 20, 2022
BAKIT KASAMA SI VP, DEPED SEC. SARA DUTERTE SA SUMAKSI SA PAGLAGDA NI P-BBM SA NATIONAL BUDGET? – Sa mga nagdaang administrasyon ay hindi kasama ang bise presidente sa nagtutungo sa Malacañang para sumaksi sa gagawing pagpirma ng presidente sa national budget.
Kaya't ang tanong: Bakit nasa Malacañang si Vice President, DepEd (Dept. of Education) Sec. Sara Duterte-Carpio at sumaksi sa paglagda ni Pres. Bongbong Marcos sa higit P5.2 trillion national budget?
May mga netizens tuloy ang nag-comment sa social media na parang naniniguro raw si Sara na hindi mabi-veto ang kanyang confidential funds, boom!
◘◘◘
DAPAT I-REJECT NG SENADO ANG MAHARLIKA INVESTMENT FUND – Sa Kongreso, anim na kongresista, sina Albay 1st District Rep. Edcel Lagman, Camarines Sur 3rd District Rep. Gabriel Bordado, Basilan Rep. Mujiv Hataman, ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, Gabriela Womens Partylist Rep. Arlene Brosas at Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel ang kumontra sa P250 billion Maharlika Investment Fund (MIF), kaya lang anim lang sila kaya wala silang nagawa nang aprubahan ito ng 297 trapong congressmen and congresswomen.
Ngayong lusot na ito sa Kongreso, ang tanging pag-asa na lang ng mamamayan para ma-reject ang Maharlika Investment Fund na ito ay ang Senado, kaya't panawagan ng publiko sa mga senador, magpakabayani sila, ibasura nila ang P250-B MIF na ito, period!
◘◘◘
SANA UTUSAN NI P-BBM ANG NFA NA LAHAT NG PALENGKE MAY P25 PER KILO NG BIGAS – Sabi ni P-BBM sa lahat daw ng Kadiwa store ay may ibinebenta pa ring bigas na P25 per kilo.
Sana iutos ng Presidente sa NFA (National Food Authority) na ang lahat ng palengke ay lagyan na ng NFA rice na P25 per kilo para all makabili ng murang bigas, kasi sa ngayon need pa ng mamamayan maghanap kung saan merong Kadiwa store para lang makabili ng bigas na P25 per kilo, boom!
◘◘◘
NOONG CIDG DIRECTOR PA SI MAGALONG MALAWAK ANG KANYANG INTELLIGENCE NETWORK, PERO NANG MAGING PULITIKO, HUMINA NA – Noong si Baguio City Mayor Benjamin Magalong pa ang director ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay napakalawak ng kanyang intelligence network, na lahat ng ilegalista ay kanyang ipinahuhuli, pero mula nang maging pulitiko siya ay humina na ang kanyang intelligence network.
Lantaran na kasi ang raket na "mini-casino" ni "Patrick" sa Legarda Road at Bokawkan Road; at drop balls at color games nina "Edna" at "Jimmy" sa Magsaysay Road at "Nestor" sa Kayang Hill Top, pawang sa Baguio City, pero hindi pa rin alam ni Mayor Magalong na may mga ganitong mga ilegalista na nanraraket sa kanyang mga kababayan, period!





Comments