Saludo sa PH Coast Guard na nagtanggal ng barrier ng China sa WPS
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | September 29, 2023
Sinasaluduhan natin ang Philippine Coast Guard (PCG) sa ginawa nilang pagtatanggal sa mapanganib na floating barrier na inilagay ng China sa Bajo de Masinloc.
Ipinakita sa isang video recording kung paano matapang na pinutol ng PCG ang lubid ng nakalutang na hadlang na may habang 300 metro sa gitna ng ating karagatan.
Malinaw na ipinapahayag nito ang ating pag-angkin sa ating sariling teritoryo sa harap ng patuloy na pagkamkam ng China sa ating eksklusibong ekonomikong sona o exclusive economic zone.
Hindi sa lahat ng panahon ay kaya ng China na maghari-harian sa ating hurisdiksyon.
Ang ganitong demonstrasyon ng ating paninindigan sa ating soberanya ay isang krusyal na hakbang sa pagpaparating ng ating mensahe sa abusadong banyagang bansa na hindi nila tayo maaaring kayan-kayanin at ipagtulakan na lamang na bahag ang buntot.
Samantala, pagpupugay rin sa PCG sa paglilinaw na ginawa ng tagapagsalita nito para sa West Philippine Sea na si Commodore Jay Tarriela tungkol sa intelligence funds ng ahensya. Sinabi ni Tarriela na P118.7 milyon at hindi P117 milyon lamang na confidential at intelligence funds ang natanggap ng PCG sa nakaraang 17 taon. Panimula niya sa isang social media post na nais niyang magbigay ng tamang impormasyon tungkol sa intelligence funds nila simula 2006.
Bilang naninilbihan aniya sa pamahalaan, kailangan nilang maging “transparent” at tiyaking hindi nila ina-understate o inililihim ang halaga ng pondong kanilang natanggap.
Ang kabuuan na P118 milyong pondo ay sapat na para sa gastos nila sa loob ng 17 taon. Kung sino pa ang dapat bigyan ng mas malaking pondo para sa nasabing gastusin ay siya pang nanggigitata sa kakarampot na halagang inilaan sa kanila.
Kaya naman labis na nadidismaya ang ating mga mambabasang nagparating ng kanilang hinaing tungkol sa napabalitang paggastos ng P125 milyong confidential funds ng Office of the Vice-President (OVP) sa loob lamang ng 11 araw at hindi 19 na araw tulad ng unang naiulat. Mismong si Rep. Stella Quimbo ang nagbigay-linaw sa bilang ng araw ng nasabing paggastos sa debatehan sa plenaryo ukol sa pambansang badyet.
May kasabihan nga, “Non omne quod licet honestum est” o “Not all that is permitted is honorable.”
Hindi lahat ng pinapayagan ay kagalang-galang na gawin. Sa madaling salita, iyong alam mo na uubra pero hindi karapat-dapat dahil sa delicadeza at pagsasaalang-alang sa kapakanan ng taumbayan.
Umaasa rin tayo na susuportahan ng ating mga mambabatas ang hinihinging badyet ng PCG para sa modernisasyon at pagbili ng mga kinakailangan nitong bagong barko upang mas epektibo nilang mabantayan at maprotektahan ang ating teritoryo at mga mangingisda.
Samantala, lubos na nagpapasalamat ang pasyenteng lumapit sa atin kamakailan, na may sakit na kanser na itago na lang natin sa pangalang “Jie,” sa ipinarating na agarang tulong na diretso sa Lung Center of the Philippines nina Senate President Juan Miguel Zubiri, Sen. Grace Poe at Rep. Ralph Recto. Nabuhayan ng pag-asa ang kanyang pamilya at mga mahal sa buhay.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.





Dapat talagang saluduhan ang Philippine Coast Guard sa ginawa ng mga tauhan nito na tanggalin ang mga floating barriers ng inilagay ng China sa Bajo de Masinloc. Pero ano ang maaaring maging reaction ng China liban sa mga pahayag at pagtuligsa nito sa ginawa ng PCG? Dapat ding pag-isipan ng ating mga opisyales ng Pilipinas, lalo na ng mga nasa larangan ng diplomasya at militar kung paano maiiwasang mahulog ang Pilipinas sa tinatawag na Thucydides trap: "The strong do as they like and can do, and the weak must suffer as they must."