Sakripisyo at sipag ng Pinoy nurses, tapatan ng tamang pasahod at benepisyo
ni Ryan Sison - @Boses | December 15, 2022
Dahil sa pahayag ng New Zealand na mas madali nilang mabibigyan ng resident status ang mga dayuhang nars, kumadrona at maging mga doktor na pipiliing magtrabaho sa kanilang bansa, posibleng maapektuhan ang ilang pribadong ospital at healthcare facility kapag ito.
Bagama’t magandang balita ang naturang pahayag, ayon sa Philippine Nurses Association (PNA), kasalukuyang inaanalisa ang mga datos kung saan tinitingnan ang pagbalanse dahil na rin sa kakulangan ng nursing workers at kasabay pa nito ang pagpapatupad ng Universal Healthcare sa bansa.
Gayunman, binigyang-diin ng PNA na makatutulong sa karera ng mga nars ang pagtatrabaho sa abroad.
Samantala, naniniwala ang PNA na nadagdagan na ang bilang ng mga nurse sa bansa dahil sa katatapos lang na Nursing Licensure Exam.
Matatandaang noong 2021, may 310,000 Pilipinong nurse ang naitalang nagtatrabaho sa ibang bansa, base sa datos ng Filipino Nurses United at Department of Health (DOH).
Hindi maitatangging magandang oportunidad para sa mga Pinoy nurses ang pagtatrabaho sa ibang bansa, pero nakalulungkot dahil kapalit nito ang kakulangan ng healthcare workers sa Pilipinas.
Gayunman, hindi natin masisisi ang ating mga kababayang nurse kung gugustuhin nilang mangibang-bansa. Kaya ang tanong, bakit pinipili ng mga kababayan nating magtrabaho sa ibang bansa?
Kung maayos ang sistema at pasahod, gayundin ang pagbibigay ng mga benepisyo sa kanilang hanay, marahil ay mas pipiliin nilang magsilbi sa ating mga kababayan.
Hindi natin nilalahat, pero sa totoo lang, mababa ang pasahod sa mga nurse ng pribadong ospital, kaya naman no choice sila kundi maghanap ng pagtatrabahuhan na kayang tapatan ang kanilang serbisyo at kasipagan. Ang ending, pilay ang healthcare system at hirap ang mga pribadong ospital.
Batid nating hindi na matatanggal sa sistema ang pangingibang-bansa ng mga kababayan natin. Pero panawagan sa gobyerno, pag-aralan at gumawa ng mga hakbang para maibigay ang dekalidad na trabaho, patas na sahod at benepisyo para sa mga healthcare workers, pribado man o pampublikong ospital ang kanilang pinagtatrabahuhan.
Sa ganitong paraan, mas pipiliin nilang magtrabaho sa ating bansa kaysa makipagsapalaran sa abroad.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments