Saklolo sa mga OFW na na-scam sa Italy
- BULGAR
- Sep 30, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | September 30, 2023
Hindi bababa sa 68 katao ang naging biktima ng recruitment scam sa Italy na humingi ng tulong sa Department of Justice (DOJ), kamakailan.
Sa ulat, hinihikayat ang mga biktima na mag-apply para sa mabilis na pagproseso ng aplikasyon na makapagtrabaho sa Italy, ng isang Pinoy-operated management agency kung saan suportado umano ng Filipino community sa naturang bansa.
Ayon sa isang biktima na kinilalang si Apple Cabasis, hiningan sila ng kanilang kausap ng bayad na 3,000 euros o P180,000 na installment basis, na kanilang huhulugan ng tatlong beses o tig-1,000 euros.
Sinabi rin ni Cabasis, na ang kanilang work permits ay ipinadala via email o sa pamamagitan ng social media.
Gayunman, nang isumite na nila ang mga “permit” na ito sa Italian Embassy para iproseso ang kanilang work visa ay denied ang kanilang aplikasyon. Aniya, ang nakalagay doon ay “falso” o false.
Pahayag ng DOJ, nasa humigit-kumulang 400 complainants na ipoproseso ng ahensya na iimbestigahan ng NBI.
Nangako naman ang DOJ na tutulungan nila ang mga biktima sa pagsasampa ng reklamo laban sa mga nasa likod ng recruitment scam. Isang resolusyon na rin ang inihain sa Senado para sa pagsisiyasat hinggil sa mga aktibidad ng illegal recruitment.
Mariing itinanggi naman ng Alpha Assistenza SRL na sangkot sila sa panloloko at ipinaliwanag na mayroon silang kinuha o nag-hire ng third-party liaison para tumulong sa pagsumite ng mga dokumento ng mga aplikante sa Pilipinas. Giit pa ng kumpanya, nakikipagtulungan na sila sa mga awtoridad kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon.
Nasuong na naman ang ating mga kababayan sa ganitong uri ng scam na gusto lamang ay makapagtrabaho nang maayos abroad para sa kanilang pamilya.
Kung minsan kasi sa pagnanais natin na agarang maproseso ang ating mga aplikasyon at dokumento para makapagtrabaho lalo na sa ibang bansa ay pumapasok tayo sa mabilisang transaksyon sa mga agency.
Dapat sigurong inaalam muna nating mabuti kung ito ba ay legal at nakarehistro talaga ang agency o kumpanya. Huwag tayong basta magtitiwala at magbibitaw ng pera para hindi tayo maloko ng mga nagkalat na scammers.
Sa kinauukulan, sana ay maresolbahan agad ang naturang usapin, at mahanap ang mga kawatan na ito at papanagutin sa kanilang panloloko.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments