Saintfiet, new head coach ng PFF Men's Nat'l Team
- BULGAR
- Feb 27, 2024
- 2 min read
ni Anthony Servinio @Sports | February 27, 2024

Ipinakilala na ng Philippine Football Federation (PFF) si Tom Saintfiet bilang bagong head coach ng Men’s National Team noong Lunes. Bitbit ng 50-anyos na tubong Belgium ang 26 taong karanasan at 100 laro bilang head coach ng mga pambansang koponan karamihan ay sa Aprika.
Agad magtratrabaho si Coach Saintfiet para sa parating na 2026 FIFA World Cup at 2027 AFC Asian Cup Qualifier kontra Iraq sa Marso 21 sa Basra at 26 sa Rizal Memorial Stadium. Pinalitan niya si Hans Michael Weiss na humawak sa koponan sa unang dalawang laro kontra Vietnam at Indonesia.
Bahagi ng paghahanda ang pagdaos ng ensayong bukas sa publiko ngayong Marso 1 sa Rizal Memorial simula 4:00 ng hapon tampok ang mga manlalaro na nakatira sa Pilipinas. Iginiit ni Coach Saintfiet na wala siyang pakialam kung saan galing ang manlalaro basta buo ang loob nito na katawanin ang Pilipinas at may disiplina, isang katangian na nakita niya matapos personal na manood ng ilang laro sa mga nakalipas na araw.
Sa Gambia siya umani ng malaking tagumpay mula 2018 hanggang nitong Enero kung saan ginabay niya ang bansa ng dalawang beses sa Africa Cup of Nations. Kahit maayos ang samahan nila, nagpasya siya na magbitiw sa tungkulin upang maghanap ng mga bagong hamon at dinala siya ng tadhana sa Pilipinas kahit may mga nakakatakam na alok mula sa Nigeria, Cameroon at Tsina.
Samantala, mukhang bilang na ang mga araw ng paggamit ng palayaw na “Azkals”. Subalit ipinaliwanag ni PFF Director for National Teams at Team Manager Freddy Gonzalez na ang paghanap ng kapalit ay hindi mahalaga sa ngayon at mas tututukan nila ang mga laban sa Iraq.








Comments