top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Saint Clare, nasa tuktok na ng liderato ng NAASCU

BULGAR
Jun 3, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 3, 2022



Nag-iisa na ang defending champion Saint Clare College of Caloocan Saints sa liderato ng 20th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Seniors Basketball Tournament matapos paamuhin ang Manuel L. Quezon University Stallions, 68-45, noong Miyerkules sa Novadeci Convention Center. Sumama sa mga nanalo ang Enderun Colleges at AMA University na parehong nagtala ng mga malaking panalo.

Ipinasok ni rookie Megan Galang ang unang 5 puntos ng laban at nagdagdag ng isa pang three-points para ibigay sa Saints ang first quarter, 20-9, at hindi na sila lumingon muli. Umabot sa 68-43 ang lamang at sapat na ito kahit hindi na pumuntos ang Saint Clare sa nalalabing 3minuto.

Bumawi si Bam Lopez mula sa walang puntos na laro noong nakaraan at bumuhos ng 14 puntos para manatiling perpekto sa tatlong panalo. Sumunod sina John Edcel Rojas at JJ Manacho na may 13 at 10 puntos.

Sa iba pang laro, tinambakan ng Enderun ang Philippine Christian University Dolphins, 77-52, para sa kanilang ikalawang sunod na tagumpay sa dalawang laro. Mula sa 20-20 sumandal ang Titans sa mga beteranong sina Pierre Marie Kouakou, Joaquin Mariano. Francisco Tancioco at Karl Baclay upang itayo ang 38-26 lamang sa pagwakas ng first half at walang nakapigil sa kanilang arangkada.

Nagtapos si Kouakou, isa sa 2019 Mythical Five, na may malakas na 16 puntos at 21 rebound. Sinuportahan siya nina Mariano at Tancioco na parehong may 13 puntos sa kanilang pagbalik sa first five.

Bumangon ang AMA Kings sa tamang panahon at iniwan na wala pa ring panalo ang Technological University of the Philippines, 75-62. Maghaharap ngayong Biyernes ang parehong walang talo Enderun at Our Lady of Fatima University Phoenix sa aabangang laban sa 2:00 ng hapon sa Novadeci muli. Susubukan ng AMA na manalo ng dalawang sunod kontra PCU sa 3:30 habang hahanapin ng MLQU at TUP ang kanilang unang tagumpay sa huling laro sa 5:00.


Mga laro ngayong Biyernes – Novadeci Convention Center

2:00 PM Fatima vs. Enderun: 3:30 PM PCU vs. AMA; 5:00 PM TUP vs. MLQU.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page