Sagot sa matinding trapik ang motorcycle taxi
- BULGAR
- Dec 15, 2022
- 3 min read
ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | December 15, 2022
Nakararanas ngayon ng kakulangan ng unit ng mga Transport Network Vehicle Services (TNVS) ang ride hailing company na Grab na malaking dahilan kaya may mga pagkakataong nahihirapan ang mga commuter na makapag-book ng sasakyan.
Maraming pagkakataon na napipilitan ang commuter na magpa-book na lamang sa 6-seater na SUV dahil wala nang makuhang sedan sa Grab, kaya ang resulta ay dagdag-gastos dahil mas mahal ang SUV.
Hindi naman maasahan ang ordinaryong taxi na iniiwasan na rin ng mga pasahero dahil bukod sa isnabero ay nangongontrata pa o kaya’y namimili ng isasakay kung saan ihahatid at naniningil pa ng karagdagang singil kung may kalayuan.
Kunsabagay, aminado ng Grab Philippines na mayroon talagang kakapusan sa kasalukuyan sa kanilang mga unit, lalo pa ngayong panahon ng holiday season kung saan dagsa ang mga pasahero sa iba’t ibang pamilihan.
Base sa datos na inilabas ng Grab, nasa 40% na lang ng mga TNVS ang bumalik sa kanilang platform na malaking dagok bunga ng epekto ng pandemya dahil ang ibang driver ay tinamaan ng COVID-19 at ang iba naman ay nawalan ng kotse.
Nauna rito’y nanawagan ang Grab sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na umano’y mapabilis ang proseso sa pagbibigay ng provisional authority para sa mga TNVS.
Ngunit ayon sa LTFRB, nitong nagdaang buwan ng Mayo ay nagbukas sila ng 7,000 slots upang magbigay ng permit para sa mga bagong TNVS, ngunit nasa 2,500 lang sa mga ito ang nakapagpatuloy para iproseso ang kanilang aplikasyon at makapagpasa ng kaukulang dokumento.
Batay sa fare structure ng Grab, naniningil sila ng P45 para sa base fare, P15 dagdag sa kada kilometrong biyahe, samantala, dagdag na P2 sa kada minuto ng biyahe at P40 na stop base fare na inirereklamo ng mga pasahero.
Dahil sa mga kinahaharap na problema ng TNVS ay bidang-bida naman ang ating mga ‘kagulong’ na ultimo mga taong-gobyerno ay pabor sa pagdami ng motorcycle taxi (MC taxi) para sa mas mabilis na serbisyo ng mga commuters sa Metro Manila.
Sobrang malaking tulong ang MC taxi, lalo na sa mga nagmamadaling commuter dahil madaling makaiwas sa trapik, ngunit sa kabila ng mga bentahe ay may mga commuter din na hindi sumasang-ayon sa pagdami ng bumibiyaheng MC taxi.
Kamakailan ay nagkaroon ng pagdinig sa Kongreso dahil sa mga reklamo sa shares acquisition ng Grab sa Move It. Wala umanong nilabag ang Grab at Move It sa hakbang at pinatotohanan na walang legal issues sa shares acquisition ng Grab sa Move It.
Sa naturang pagdinig, napatunayan na kahit ibang MC taxi players ay tumanggap din ng investment sa ibang kumpanya o kaya’y nagpalit ng pagmamay-ari sa mga nakalipas na taon.
Kung pagbabatayan natin ang ulat ng Security and Exchange Commission (SEC), ang Angkas ay tumaas ang asset mula P89 milyon noong 2020 at naging P588.23 milyon noong 2021.
Matatandang dati nang hinarang ng Angkas ang pagpasok ng ibang players tulad ng JoyRide at Move It, ngunit hindi pumayag ang LTFRB na manaig ang monopolyo.
Gayunman, kahit nakapasok ang iba pang players sa kalsada, mahigit 50% ang hawak ng Angkas na MC taxi sa Metro Manila. Pero sa 27,000 drivers nito ay 7,000 ang tinatawag na ‘hiram’ mula sa Move It.
Pero para sa atin, mas maraming player ay mas mabuti dahil kapag may kompetisyon ay bumababa ang presyo at gumaganda ang serbisyo at higit sa lahat ay maraming ‘kagulong’ ang nagkaroon ng hanapbuhay.
Sa tindi nang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa araw-araw dahil sa Kapaskuhan ay hataw ngayon ang mga MC taxi, habal-habal at pati kolorum ay namamasada na—ang mahalaga ay masaya ang Pasko ng ating mga ‘kagulong’.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.








Comments