Safety ng mga pasahero, dapat na unahin
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 3, 2023
Hindi nakalusot ang 20 modern public utility jeepneys (PUVs) sa mga tauhan ng Law Enforcements Unit (LEU) ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos na mahuli ang mga ito sa ikinasa nilang “anti-overloading” operations sa Caloocan at Quezon City.
Sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad, huli ang apat na modern jeepneys dahil sa sobra-sobra ang sakay na mga pasahero, habang inilipat at isinakay pa ang mga ito sa ibang pampasaherong sasakyan.
May mga paglabag pa na naiulat, kabilang dito ang walong drayber na hindi nakasuot ng tamang uniporme, apat na may sirang breaklight, 2 units na walang nakapaskil na fare matrix, isang walang nakapaskil na “No Smoking” at isang walang naipakitang Certificate of Public Convenience (CPC) card.
Sa pahayag ni LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III, tiniketan at pinatawan ng tig-P5,000 ang mga nahuling modern PUVs bilang unang paglabag ng mga ito sa ilalim ng Memorandum Circular 2011-004 ng Joint Administrative Order 2014-01.
Naglabas na rin ng show cause order ang LTFRB sa operator ng modern jeepney makaraang himatayin ang isang pasahero nito dahil punumpuno umano ang mga sakay na bumabiyahe sa Marcos Highway, Pasig City.
Batid natin na ngayon lang talaga nakakabawi ang ating mga drayber at operators ng public transport. Kaya hataw ang mga tsuper at kundoktor sa lansangan sa pag-pickup ng mga pasahero sa maghapon para kumita at malaki-laki ang kanilang magiging boundary.
Hindi na nila namamalayan na nalalagay sa peligro ang kanilang mga pasahero dahil siksikan sa loob ng sasakyan na halos magkapalit-palit ang mga mukha na ang resulta ay overloading.
Panawagan natin sa kanila na maging responsable sa kalsada at matutong sumunod sa itinatakda ng batas.
Palagi nating isipin na nakasalalay sa inyong mga kamay ang matiwasay na pagbiyahe ng lahat ng pasaherong inyong isinasakay para maiwasan na rin ang anumang aksidente at abala.
Gayundin, maging prayoridad sana ang kaligtasan ng mga pasahero na papasok sa paaralan man o sa trabaho, gayundin sa kanilang pag-uwi.
Sa kinauukulan, ipagpatuloy n’yo pa ang ginagawang paghihigpit sa ipinatutupad na batas-trapiko upang maging maayos at ligtas ang ating pamayanan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments