top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Sablay na module itama, mga nakalimot sa responsiblidad, turuan ng leksiyon!

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 19, 2020
1 min read

@Editorial | November 19, 2020



Mainit pa rin ang isyu sa self-learning modules kung saan, sinasabing tila hindi ito napagtuunang mabuti kaya may mga nakalusot na pagkakamali.


Nariyan ang sablay na impormasyon, body-shaming at maling paniniwala sa mga bagay-bagay.


Ayon sa ilang opisyal ng gobyerno, hindi sapat ang paghingi ng paumanhin ng mga sangkot sa usapin. Dapat na kumilos ang Department of Education upang hindi na ito maulit.


Gayunman, ang mga pagkakamaling nangyari ay huwag sanang maging bahid sa kredibilidad ng lahat ng guro.


Hindi pa rin matatawaran ang kanilang dedikasyon at sakripisyo bagama’t may iilan na tila nakakalimot at lumilihis ang landas ng pagtuturo.


Tiwala tayong hindi lang basta bumasa at sumulat ang kanilang ibinabahagi sa mga mag-aaral kundi maging ang tamang asal, wastong pag-uugali at pagrespeto sa kapwa.

Kaya nakalulungkot ang mga balita na mismong mga guro ang hindi ito pinahahalagahan.


Bagama’t tayo’y nasa ibang sitwasyon, hindi naman ito dahilan para maging pabaya sa halip, ito ay hamon para mas mapagbuti ang ating edukasyon.


Samantala, may isang lungsod na nais maibalik ang asignaturang Good Manners and Right Conduct (GMRC) sa kanilang mga pampublikong pamantasan.


Ito ay para maituro muli ang mabubuting asal sa mga kabataan — matuto na rumespeto at magmalasakit sa kanilang kapwa. Ito umano ang susi upang mapabuti ang karakter ng mga kabataan na magiging mga pinuno ng bansa sa hinaharap.


Gayunman, dapat pa ring magsimula ang lahat sa tahanan. Tayong mga magulang ang unang gabay ng mga bata sa kanilang paglaki, pag-uugali at kilos. Napakalaki ng ating papel sa kung paano sila mamumuhay — matuwid o ligaw ang landas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page