top of page
Search
  • BULGAR

Sa SONA 2024 ni PBBM, makatotohanang anunsyo ang gawin niya, hindi pabida at papogi lang!

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 24, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MGA SCALAWAG AT ABUSADONG PARAK SA METRO MANILA, DAPAT MAGPAKATINO PARA HINDI TAMAAN NG INTERNAL CLEANSING NI GEN. NARTATEZ -- Patuloy ang internal cleansing ni NCRPO Director, Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. at patunay d’yan na umabot na sa 500 pulis ang sinibak niya sa serbisyo at nasa 500 pulis din ang isinuspinde at dinemote niya ang ranggo.


Kaya iyong mga scalawag at abusadong pulis na nakatalaga sa Metro Manila, dapat na silang magpakatino para hindi sila tamaan ng internal cleansing ni Gen. Nartatez sa NCRPO, period!


XXX


VP SARA, WALANG PLANONG MAG-RESIGN SA DEPED KAYA TIYAK MAGHIHIMUTOK SI FL LIZA, KASI LAGI PA RIN NIYA ITONG MAKIKITA SA MALACANANG -- Sinabi ni Vice Pres., Dept. of Education (DepEd) Sec. Sara Duterte-Carpio na karapatan daw ni First Lady Liza Araneta-Marcos na sumama ang loob sa kanya kaugnay sa atake ng ama niyang si ex-P-Duterte na adik at ‘bangag’ sa cocaine si Pres. Bongbong Marcos (PBBM), pero ang sama raw ng loob ng Unang Ginang ay walang kinalaman sa mandato niya (Sara) bilang bise presidente at DepEd sec. ng bansa.


Sa tema ng salita ni VP Sara ay hindi siya magre-resign na DepEd sec. tulad ng panawagan ng mga tagasuporta ni FL Liza, at dahil d’yan ay asahan nang lalong maghihimutok ang Unang Ginang, kasi nga lagi pa rin niyang makikita ang bise presidente kapag dumalo ito sa Cabinet meeting sa Malacanang, boom!


XXX


SANA SA SONA 2024 NI PBBM MAKATOTOHANAN ANG IAANUNSYO NIYA SA MAMAMAYAN, HINDI PABIDA LANG -- Halos tatlong buwan na lang ay idadaos na ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pres. Bongbong Marcos sa July 2024. At noong last SONA ni PBBM, ang isa sa pinaka-highlight na kanyang ipinangako sa publiko ay ang paglansag sa mga smuggler sa bansa, kaya nga lang ang masaklap hanggang ngayon, kahit isang smuggler ay wala pang naipapakulong ang kanyang administrasyon.


Kaya’t sana, sa darating na SONA 2024 ni PBBM, ay iyong mga makatotohanan ang iaanunsyo niya sa publiko, hindi pabida o papogi points lang, period!


XXX


BAGO SUMAPIT ANG SONA 2024, MGA SMUGGLER NA SINA ‘GERRY TEVES’ AT ‘LEAH CRUZ’, DAPAT SAMPULAN NI PBBM -- Sa tuwing umiinit ang isyu ng smuggling sa bansa, laging lumulutang ang pangalan ni alyas “Gerry Teves” at katunayan nga noong Senate presidente pa si former Sen. Tito Sotto ay pinangalanan niya ito (Gerry Teves) bilang numero unong smuggler sa ‘Pinas, at sa pagbubulgar naman ni presidential sister, Sen. Imee Marcos ay pinangalanan nito ang isang alyas “Leah Cruz” na numero unong agri-smuggler naman ng bansa.


Kaya’t sana, bago man lang sumapit ang ikatlong SONA ni PBBM sa July 2024 ay ipaaresto, sampahan ng kaso at maipakulong sina alyas “Gerry Teves” at “Leah Cruz” para naman kahit paano ay may maibida siya sa paparating niyang SONA na may nasampulan na ang kanyang pamahalaan sa kampanya laban sa mga smuggler sa ‘Pinas, boom!


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page