Sa senado, mga appointee ni P-Duterte ang target sa PhilHealth scam...
- BULGAR

- Aug 11, 2020
- 2 min read
sa kamara, mga appointee ni ex-P-Noy ang lagot!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 11, 2020
SA IMBESTIGASYON NG KAMARA SA PHILHEALTH SCAM, BAKA TAMAAN SI SEN. HONTIVEROS—Kung sa Senado ay mga appointee ni P-Duterte sa PhilHealth ang target ng imbestigasyon, sa Kamara (House of Representatives) naman ay ang mga appointee ni ex-P-Noy ang nais imbestigahan kaugnay sa mga isyu ng katiwalian sa ahensiyang ito.
Kapag ang imbestigasyon sa Kamara ay inumpisahan na, isa sa mga tatamaan ay si Sen. Risa Hontiveros sapagkat noong hindi pa siya senador ay itinalaga siya ni ex-P-Noy bilang PhilHealth director (taong 2013) at sa panahong ‘yan, maraming katiwalian din nabulgar sa ahensiyang ito, boom!
◘◘◘
SA PANAHON NG KRISIS, ALAM NA KUNG SINONG MGA PULITIKO ANG INUTIL AT NGANGA—Sobrang bad ang idinulot ng COVID-19 sa buong mundo, gayunman ay may mabuti rin itong idinulot sa kaisipan ng mga botante.
Ngayon nila nalaman na ‘yung mga ibinoto nilang pulitiko sa mga nagdaang eleksiyon ay inutil at “nganga” lang pala sa panahon ng krisis, boom!
◘◘◘
WALANG KUWENTANG PULITIKO SA PANAHON NG PANDEMYA, IBASURA!—Hindi lahat ng pulitikong nakaupo ay inutil at “nganga” lang sa panahon ng krisis, marami rin namang umaksiyon at nagmalasakit sa mamamayan sa panahon ng krisis.
Kaya’t sa 2022 election, muling iboto ang mga pulitikong tunay na naglingkod sa mamamayan at ‘yung mga walang kuwentang trapo, ibasura na, period!
◘◘◘
MAS MATAAS BA ANG KUWALIPIKASYON NI ROBIN PADILLA KAYA MAS MATAAS ANG RANGGO NIYA KAY RONNIE LIANG SA ARESCOM?—Kabilang sina Ronnie Liang at Robin Padilla sa mga celebrity na pumasok para maging reservist ng Philippine Army Reserve Command (Arescom).
Si Ronnie ay piloto, graduate ng Reserve Officers Training Corps (ROTC) at sa kagustuhang maging army reservist, kumuha siya ng Mechanized Infantry Operations Training (MIOT) Course kaya noong Feb. 14, 2020, naging 2nd Lieutenant na siya ng Arescom.
Samantala, si Robin naman ay nag-announce noong July 2019 na gusto raw niyang maging army reservist at ngayon ay captain na siya sa Arescom.
Mas mataas kaya ang kuwalipikasyon ni Robin sa pagpasok sa army reservist kaya Captain agad ang ranggo niya kaysa kay Ronnie na 2nd Lieutenant lang?
Dapat i-explain ng liderato ng PA sa publiko kung ano ang mga kuwalipikasyon ni Robin kung bakit Captain ang ipinagkaloob nila, period!





Comments