Sa rami ng dinedemolis dahil sa clearing operations.. Tips para makapamuhay kahit walang bahay
- BULGAR

- Sep 18, 2020
- 4 min read
ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | September 18, 2020

Ang daming nadedemolis na squatters na kahit bigyan pa ng maayos na paglilipatan ay patuloy pa rin silang bumabalik sa giniba nilang tahanan. Pero paano na lang ang mga residenteng nasunugan pero wala nang mga sariling tahanan, dapat ka na ngayong matuto kung paano mamumuhay ayon sa mga pangangailangan: pagkain, masisilungan, tulog at kapayapaan ng kaisipan.
1. Alamin ang mga pangangailangan at estimahin kung hanggang saan ka tatagal nang wala ang iba pang kailangan. Nagugutom ka ba? Maghanap ka na ng pagkain ngayon o ipagpatuloy ang hanapbuhay. Manatiling mabuhay o kaya ay humingi ng tulong sa DSWD para sa kaunting makakain.
2. Giniginaw na ba kayo dahil umuulan at malamig ang gabi? Makisilong muna kung saan ka ligtas na mahatdan, huwag kang basta kakalat-kalat sa kalye at baka mapagkamalan kang taong grasa at namamalimos. Kung kaya mo namang bumili ng kape ay magkape. Huwag ikahiya kung sakaling maipagtabuyan man kayo dahil sa hitsura ninyo. Move on at magpatuloy lamang sa buhay.
3. Ginabi na kayo at walang bahay? May lugar ba kayong mapagsisilungan? Mas ligtas kung makikipanuluyan kayo sa kakilala o kaanak kaysa ang manatili sa mga parke. Ang mga taong walang bahay o walang anumang nasisilungan o pakalat-kalat na natutulog sa daan ay ang pinaka-karaniwang target ng mga adik, mga nambibiktimang mga loko sa kalye at iba pang mga masasamang elemento. Sikaping humanap kahit paano ng masisilungan. Humingi ng tulong sa mga awtoridad kung saan puwedeng makisilong sa magdamag. Makiusap sa kanila, magsalita nang maliwanag at tapat, iparamdam mo na desperado ka pero huwag kang over acting. Tanungin din sila kung ano ang maaaring dalhin at hindi sa pakikisilong.
4. Habang nakikitira, sundin ang lahat ng mga regulasyon at batas sa lugar. Kung may curfew ay sundin. Para na rin sa kaligtasan ninyo ang paghihigpit nila. Kung may iba kang makikilala na nakikitira rin sa lugar dahil sa naging biktima ng sunog o demolisyon, mainam na may makakausap ka at maging positibo sa lahat ng aspeto habang walang matitirhan.
5. Kung mayroong posible na trabahong maibibigay sa’yo sa pansamantalang panunuluyan sa lugar, mas mainam. Diyan ka makapagsisimula ng bagong trabaho at pamumuhay. Tandaang nasa desperado kang sitwasyon at kailangang tanggapin mo anuman ang biyayang darating sa iyo sa ikalawang pagkakataon ngayon.
6. Kapag may rasyon na pagkain, maging disiplinado. Kung dapat na pumila ay pumila nang maayos, huwag makipag-agawan ng pagkain kahit sa kapwa walang tirahan at pagkain. Matutong magsalita ng pakisuyo at magpasalamat kahit kanino. Huwag basta parang gutom at galit sa lahat ng bagay. Kung kailangan ng panalangin bago kumain ay makisabay na lang sa panalangin nila kung anuman ang ritwal mo sa sariling relihiyon. Pagsalikupin ang mga palad, ipikit ang mga mata at makinig sa panalangin na kanilang sinasambit. Anuman ang ugali ng iyong relihiyon iyan ang mainam na sandali na maging mapagpasalamat. Ang pagpapasalamat sa Maykapal ang siyang magpapabago sa iyong ugali at magbibigay ito sa iyo ng lakas sa araw-araw.
7.Kung ang relocation area na napuntahan ay walang pagkain, tubig at iba pang serbisyo na madaling mapuntahan, gumawa na ng paraan. Kailangan mong gawin ang lahat para maka-survive. Huwag mananakit ng iba o manggugulang ng iba. Huwag magnanakaw sa mga tindahan. Kung ang mga gas stations, restoran at grocery stores ay may itinatapon na mga pagkaing malapit nang masira, puwede pa itong initin na mabuti at kainan, ika nga e mga pagpag na pagkain na una na raw naranasang gawin ni Yorme.
8. Kung mayroong sirang sasakyan, dito na lang muna matulog. Kailangan mo pa ring may proteksiyon ka habang may nasisilungan. Maging malikhain sa paghahanap ng tamang lugar habang walang bahay, pagtiiisan ang lahat ng kayang gawin at makain. Balutin ang sarili ng kumot para maiwasang makagat ng lamok at hindi malamigan kung sakaling umuulan.
9.Kailangan mong manatiling tahimik at malayo sa iba pang masamang elemento. Dapat tanggapin ang responsibilidad sa mga gagawin at aminin sa sarili na wala ka nang bahay ngayon. Kailangan kang magsikap na ngayon kung paano aayusin ang buhay at magkaroon na sarili nang bahay bukod sa pagkakaroon ng regular na hanapbuhay. Alam n’yo bang marami akong kakilala na mga kabataan noon na mas lalong naging masikap ngayon at may magaganda nang bahay at sariling mga lote dahil ayaw na nilang magbalik sa dating buhay squatter na laging ginigiba at dinedemolis. Huwag magpakatamad o madespera. Sa halip pag-ibayuhin ang espiritwal na pananaw. Ang mahalaga ay buhay ka at may pag-asa pang nag-aabang para sa tulad mo na bahay lamang ang nawala. Iyan ang kapangyarihan ng milagro. Sa kabila ng mga nangyari sa buhay, ang mga pagsubok o paghamon na iyan ay lalampasan mo rin. Marami ka pang panahon para mag-isip at maging positibo. Maging matatag sa pag-iisip. Sabihin lagi sa sarili na"Heto ako, ito ngayon ang hinaharap kong problema at kailangan kong lampas an at labanan at wala nang makakapigil pa sa akin." Palakasin ang pananampalataya at palakasin ang tiwala sa Diyos.
10. Sa nabanggit na mga hakbang, ang mga walang tahanan ang pinakamalaking target ng mga buhong. Huwag na huwag matutulog sa mga kalye o sa mga pampublikong lugar. Maging mabuti sa ibang tao para mas matahimik ka at huwag kang maiinggit sa kapwa. Maging handa na depensahan ang sarili sakaling may ibang gumugulo pa sa iyo.
11. Maging matalino, masayahin, ngumiti at awit-awitan na lamang o sipul-sipulan ang mga pangyayari. Sa maniwala ka o hindi kapag ganito kapositibo ang iyong ugali at lakip pa ang awitin sa puso hinggil na maililigtas mo ang iyong sariling isipan at buhay laban sa mga desperadong mga pangyayari.








Comments