Search
  • BULGAR

Sa panahon ng pandemya ano ang dapat unahin, buhay o kabuhayan?

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 5, 2020


Ano ba ang mas matimbang sa panahong ito ng pandemya, ang buhay o ang kabuhayan na parehong tinutugunan ng ating pamahalaan upang maipanalo natin ang labang ito dahil sa patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng COVID-19?


Napakahirap ng kalagayan ng pamahalaan, lalo na ni Pangulong Rodrigo Duterte na araw-araw ay binabantayan ang kalagayan ng ating bansa upang matiyak lamang ang ating kaligtasan.


Marami sa ating mga kababayan ang tila nawawalan ng pag-asa dahil sa haba ng panahon ng ating pakikipagsayaw kay kamatayan na sa isang pagkakamali lamang ay maaari tayong mahawa sa virus.


May mga kaso na ang isang biktima ay nahawa dahil sa saglit na pakikipag-usap lamang sa nag-deliver ng pagkain sa bahay o naghatid ng tubig o tangke ng LPG sa kabila ng kanilang pag-iingat.


Maraming kaso na halos hindi lumalabas ng bahay at talagang seryosong sinusunod ang health protocol tulad nang pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng mga kamay at pagsunod sa physical distancing pero nahawa pa rin.


Ito ay dahil sa hindi natin nakikita ang virus, pero may mga masuwerte rin tayong kababayan na matitigas ang ulo at madalas ay nakakalimutang magsuot ng face mask pero hindi nahahawa.


Tsamba lang ang tawag dito, nagkataon lang na hindi sila natatapat sa mga taong nagtataglay ng COVID-19 kaya inaakala nilang tama ang kanilang ginagawa kaya tuloy ginagaya ng iba.


Dahil dito ay nagresulta sa pag-apaw ng ating mga pagamutan at humantong sa pagdaing ng ating mga health workers na agad namang pinagbigyan ng ating Pangulo kaya muli ay isinailalim ang Metro Manila sa modified enhanced community quarantine (MECQ) at ang ilang karatig lalawigan.


Sa kabila ng napakahirap na desisyon kung dapat bang unahin ang buhay o kabuhayan ay nananatiling matatag ang ating Pangulo kahit kabi-kabila ang tinatamong batikos mula sa mga taong walang ibang pakay kung hindi ang bumatikos lamang.


Marami sa ating mga kababayan ang nawalan ng hanapbuhay at may ilan na rin ang sumasala na sa pagkain at para sa kanila ay higit na dapat unahing isalba ang buhay kumpara sa kabuhayan.


Ngunit marami rin sa atin ang nais na kabuhayan ang dapat na unahing isalba dahil kung wala umanong kabuhayan ay mawawalan sila nang pantustos sa kanilang pamilya na maaaring humantong sa pagkawala ng kanilang buhay.


Sa pagitan ng dalawang usaping ito ay dito natin kinakitaan ng husay ang ating pamahalaan dahil nagawa nilang tugunang maisalba ang buhay ng marami at muling mabigyan nang pagkakataong bumangon ang kabuhayan ng marami.


Dahan-dahan ay iginigiya tayo ng pamahalaan sa kabila ng mabilis na pagkalat ng virus ay epektibo naman ang pagpapakalat ng impormasyon para maihatid ang tamang panuntunan ng pag-iingat sa ating mga kababayan.


Sabi nga ng Pangulo, sandaling pagtitiis na lamang at bago matapos ang taon ay babalik na ulit tayo sa normal nating buhay dahil nasa final stage na ang iba’t ibang pharmaceutical company para sa bakuna laban sa COVID-19.


Kaya nga bukod sa paghuhugas ng mga kamay, physical distancing at face mask ay kailangan nating samahan ng mataimtim na dasal para umabot tayo sa araw na bibigyan na tayo ng bakuna para sa panibago nating buhay.


Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.