Sa pagkamatay ni Bree Jonson.. Foul play posible pa rin — Pulisya

ni Lolet Abania | September 22, 2021

Hindi pa rin isinaisantabi ng mga awtoridad ang posibilidad na nagkaroon ng foul play hinggil sa dahilan ng pagkamatay ni Bree Jonson, kung saan natagpuan itong wala nang buhay sa isang beach resort sa La Union nitong weekend.
“Medyo mataas lang ‘yung percentage na wala siyang foul play, pero hindi pa natin totally niru-rule out 100 percent na walang foul play,” ayon kay Police Regional Office 1 (PRO1) director Police Brigadier General Emmanuel Peralta sa isang interview ngayong Miyerkules.
Habang patuloy ang kanilang imbestigasyon, sinabi ni Peralta na kailangan pa nilang mag-interview ng mga indibidwal na nakasama ni Jonson bago pa nangyari ang insidente.
Gayundin, hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng histopathological examination ni Jonson. “Ang pulso ng ating imbestigasyon, ay nakikita natin na parang walang foul play. Mga indicator, walang signs of struggle on the both the victim and the boyfriend,” ani Peralta.
Ayon kay Peralta, sa lumabas sa CCTV footage, si Jonson at ang kanyang companion na si Julian Ongpin ay nag-iinuman. Binanggit din ni Peralta na ang SOCO personnel ay walang nakitang anumang lubid o anumang materyal na magpapahiwatig na si Jonson ay nagpakamatay.
Sinabi pa ni Peralta na si Ongpin ay “fully cooperating” o nakikipag-ugnayan nang kanilang imbitahin noong Martes para kunin ang kanyang mga markings at eksaminin ito ng mga awtoridad.
Ipinahayag naman ni Peralta ngayong Miyerkules nang umaga na ang initial findings hinggil sa autopsy ni Jonson ay lumabas na ang dahilan ng pagkamatay nito ay sanhi ng asphyxia o kawalan ng oxygen sa loob ng katawan na maaaring humantong sa kamatayan.
Sinabi rin ni Peralta na batay pa sa initial findings, nagpapakitang si Jonson ay positibo sa paggamit ng cocaine.
Habang si Ongpin na tested ding positive sa paggamit cocaine, ay itinuturing bilang isang person of interest. Siya ay na-detain subalit pinakawalan din ng prosecutor sa La Union.
Una nang inatasan ng Department of Justice ang Bureau of Immigration na bantayan ang galaw ni Ongpin, kung saan itinuturing na isang person of interest sa pagkamatay ni Jonson, ayon kay BI Commissioner Jaime Morente.





Comments