top of page

Sa maiksing proseso ng pagkuha ng lisensya… “Kamote Drivers”, ‘di dapat makalusot!

  • BULGAR
  • Aug 8, 2022
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | August 8, 2022


Malaking gastos sa fixer at mahabang pila.


Ilan lang ‘yan sa mga hinaharap ng ilang kumukuha ng driver’s license, kung saan karamihan sa gastos ay para sa pambayad sa fixer.


Ayon sa mga aplikante, nais nilang mapabilis ang pagproseso at pagkuha ng lisensya, kaya nagbabayad sa fixer ang ilan upang malaktawan ang pila at test, ngunit mahabang pila ang sumalubong sa kanila sa Land Transportation Office (LTO).


Samantala, ayon sa bagong hepe ng LTO na si Teofilo Guadiz III, para maiwasan ang problema sa fixer at mahabang pila sa pagkuha ng lisensya, paiiksiin na ang seminar at tests, pero mas pahihirapan ang exam.


Paliwanag ng opisyal, imbes na 15 oras ang seminar, pag-aaralan kung maaari itong gawing tatlong oras. Pagdating naman sa practical driving na walong oras, titingnan din kung puwede itong gawing tatlong oras. Gayunman, hihigpitan umano ang exam upang matiyak na alam ng aplikante ang batas-trapiko at kapag hindi naipasa, uulit sa proseso.


Ituturo rin aniya ang pagtse-tsek ng sasakyan sa seminar at tatanungin sa exam. Gayundin, dapat alam ng drayber kung paano pangalagaan o sisiguraduhing ligtas ang imamanehong sasakyan.


Habang ipagpapatuloy naman ang demerit system kung saan mas iikilian ang validity ng lisensya kapag may nai-rekord na paglabag sa batas-trapiko.


Batid nating hindi talaga madali na makakuha ng lisensya. Kinakailangang dumaan sa masusing proseso bago mapagkalooban nito at naniniwala tayong mahalagang alam at nauunawaan ng drayber ang batas-trapiko.


Habang tinitiyak nating hindi “kamote driver” ang aplikante, kung kayang paiiksiin ang proseso, eh, gawin na. Isa pa, ‘wag nating hayaang mamamayagpag ang mga fixer, kaya pakiusap sa lahat, dumaan sa legal na paraan.


Tandaan, ang pagkakaroon ng lisensya ay hindi prebilehiyo, kundi isang responsibilidad.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page