Sa eroplano, mandatory pa ring mag-face mask
ni Ryan Sison @Boses | March 24, 2023
Nananatiling mandatory ang pagsusuot ng face mask sa loob ng eroplano, habang optional naman ang paggamit nito sa loob ng paliparan.
Ito ang binigyang-linaw ng Manila International Airport Authority (MIAA) kaugnay sa unang lumabas na abiso ng pamunuan na optional na ang pagsusuot ng face mask.
Iginiit ng MIAA na pinaiiral lamang nila ang optional na pagsusuot ng face mask sa loob ng airport, subalit kinakailangan pa rin na nakasuot ng face mask kapag nasa loob na ng eroplano ang mga pasahero. Gayundin, inoobliga nila ang pagsusuot ng face mask sa mga transportation vehicles gaya ng mga airport bus.
Samantala, dahil marami ang magbabakasyon-grande para sa nalalapit na Semana Santa, sinabi ng MIAA na sapat ang kanilang mga tauhan sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mga airport.
Tiniyak naman ng pamunuan ng MIAA na magdadagdag sila ng mga tauhan sa airport para maging mas mabilis ang mga kailangang proseso sa pagbiyahe ng mga pasahero na magtutungo sa kanilang napiling destinasyon.
Sa kabila na kaunti na lang ang tinatamaan ng COVID-19, pinakamainam pa ring health protocol at mabisang panlaban dito ang pagsusuot ng face mask.
Hindi lamang napoprotektahan ang sinuman sa naturang sakit, maging sa mga bakterya na maaaring kumakalat sa hangin na nagdudulot ng iba pang sakit.
Tama lang na ipatupad pa rin ang mandatory na pagsusuot ng face mask sa loob ng eroplano sa mga pasahero at crew nito. Marami pa rin kasi ang pasaway na mga indibidwal na walang pakundangan sa kanilang kapwa na basta na lamang uubo o kaya naman ay babahing nang harap-harapan. Hindi rin nila alintana na puwede silang makahawa o mahawa sa sakit.
Dapat siguro, magkaroon tayo ng konsiderasyon sa ating kapwa at isipin natin ang makabubuti sa lahat para hindi na maulit pa ang naranasan nating hirap dahil sa nakamamatay na sakit.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments