Sa dami ng plano ng LTO sa driver’s license, publiko nalilito na
- BULGAR
- May 11, 2023
- 3 min read
ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 11, 2023
Sa kabila ng napakaraming kontrobersiyang kinasasangkutan ng Land Transportation Office (LTO), tila hindi natitinag ang kanilang tanggapan sa paggawa ng ikabubuti ng naturang ahensya.
Isa na rito ay ang mapadali umano ang pagkuha ng driver’s license dahil hindi na umano oobligahing sumalang pa sa karagdagang medical examinations ang mga tsuper na kukuha ng lisensya na may bisang lima at 10 taon.
Kasunod ito ng direktiba ni LTO Chief Jay Art Tugade na amyendahan ang LTO Memorandum Circular 2021-2285 o Supplemental Implementing Rules and Regulations of Republic Act 10930.
Nakapaloob kasi sa naturang memorandum na bukod sa regular na medical examination ay obligado pa ring sumalang sa periodic medical examination (PME) ang kumukuha ng lisensya bilang requirement sa pagkakaroon ng bago o renewal ng lisensya na may lima at 10 taong bisa.
Ito ang probisyong nais baguhin ni Tugade dahil wala naman umanong silbi ang naturang periodic medical exam batay sa mga pag-aaral at inipon nilang datos mula sa mga eksperto at hindi rin ito sanhi ng pagdami ng aksidente.
Dahil dito, isang beses na lamang umano ang mandatory medical examination at ito ay gagawin na lang tuwing bago kumuha o mag-renew ng driver’s license.
Para naman sa mga Pilipinong may driver’s license na nagtatrabaho o nakatira sa ibang bansa, oobligahin ang pagsasalang sa kanila sa medical examination sa loob ng 30 araw mula nang dumating sa Pilipinas bago sila payagang makapagmaneho.
Pero hindi pa man din ito tuluyang naipatutupad ay pinag-aaralan na naman ng LTO na paiksiin ang exam para sa mga nais kumuha ng driver’s license dahil ang sobrang haba umano ng exam ang isa sa nakikitang dahilan kaya tinatangkilik ng mga aplikante ang serbisyo ng mga ‘fixer’.
Kaugnay nito, bumuo ang LTO ng komite na mag-aaral kung epektibo ba ang kasalukuyang exam na inaabot ng isang oras o panahon na ba para paiksiin nang hindi nakokompormiso ang kalidad ng mga driver na makakapasa.
Kabilang sa pinag-aaralan ay ang exam para sa kumukuha ng non-professional license at conductor’s license, kasama na ang pagdaragdag ng driver’s license code na karaniwan ay mula sa non-professional patungong professional license.
Sinusuri na rin umano ng komite na gawing ‘customized’ ang mga tanong sa exam depende sa klasipikasyon ng lisensya o license code na nais kunin ng aplikante.
Ngayon, heto na naman, plano ng LTO na ilunsad ang electronic version ng driver’s license at ilalahok umano ito sa eGov Super App na binuo ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Ang bentahe umano ng digital license ay madaling makita ng enforcer ang detalye ng inaarestong motorista dahil tulad ito ng E-wallet na naglalaman ng lahat ng government ID na maaari ring i-download sa cellphone at ito na lamang ang ipakikita sa sisitang enforcer.
Maaari rin umano itong gamitin sa renewal ng mismong lisensya at car registration sa pamamagitan ng online transaction at magkakaroon ito ng security measure na puwedeng isama sa kasalukuyang sistema ng pisikal na bersiyon ng eGov Super App.
Kung inyong matatandaan, noong nakaraang Disyembre 2022, inilunsad ng DICT ang eGov Super App at nagkaroon ito ng pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng pamahalaan.
Ang features ng naturang app ay ang pagsasama-sama ng E-Local Government Units (ELGU), eGov App, EGovpay, E-Travel, E-Cloud at ngayon ay nais makisali ng LTO.
Sa dinami-rami ng nais na mangyari ng LTO, tila nalilito na ang mga motorista at ilan sa ating mga ‘kagulong’ dahil sa sobrang bilis ng kanilang galaw, pero sa kabuuan ay tila hindi sila makaahon sa kanilang sitwasyon na puro press release lamang.
Dahil sa dami ng pinakawalan nilang anunsyo, higit na tumatak sa publiko ang kakapusan ng plastic card ng driver’s license at pinalawig na lamang ang bisa ng mga expired para magamit pa.
Hindi naman masama kung sabay-sabay ang subo basta kaya, pero kung nabubulunan na ay medyo maghinay-hinay muna.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.








Comments