Sa dami ng bansang napuntahan ni P-BBM, wala pa ring foreign investors sa ‘Pinas
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | May 27, 2023
ITINATAG ANG LAND BANK OF THE PHILIPPINES PARA SA KAPAKANAN NG MGA MAGSASAKA AT MANGINGISDA, ‘DI PARA SA MGA TRAPO—Tutol ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na pakialaman ng Marcos admin ang perang nasa Land Bank of the Philippines (LBP) para i-invest sa Maharlika Investment Fund (MIF). Itinatag daw ang bangkong ito noong 1963 para sa kapakanan ng mga magsasaka at mangingisda, at hindi para sa kapakanan ng mga traditional politicians (trapo).
Kaya kung may natitira pang hiya ang mga trapo sa kanilang sarili, huwag na nilang ituloy ang MIF para hindi mapakialaman at gawing pang-investment fund ng Marcos admin ang perang nasa LBP, period!
◘◘◘
SARA DUTERTE, AYAW PADAIG KAY P-BBM, GAGALA RIN SA IBANG BANSA—Inanunsyo ng Office of the Vice President (OVP) na sa susunod na buwan ay bibisita si VP, Department of Education (DepEd) Sec. Sara Duterte Carpio sa Brunei at Singapore para alamin ang sistema ng edukasyon sa dalawang bansang ito.
Sa totoo lang, hindi naman kailangan pang pumunta ni VP Sara sa Brunei at Singapore kung nais niyang alamin ang sistema ng edukasyon sa mga naturang bansa dahil mag-Google lang siya at malalaman na niya ang education system dito.
Hay naku, tila hindi padadaig at makikipagpaligsahan na yata si VP Sara kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (P-BBM) sa dami ng bansang pupuntahan, boom!
◘◘◘
MARAMI NANG BANSANG PINUNTAHAN SI P-BBM, PERO KAHIT ISANG FOREIGN INVESTORS, WALA PANG PUMAPASOK SA ‘PINAS—Kung sistema ng edukasyon sa ibang bansa ang nais malaman ni VP Sara kaya niya gustong pumunta sa Brunei at Singapore, si P-BBM, ang laging idinadahilan sa paglabas-labas niya ng Pilipinas ay para raw manghimok ng mga investors.
Ang masaklap nga lang, sa dami na ng bansang pinuntahan ni P-BBM, hanggang ngayon ay wala pa ring pumapasok na foreign investors sa ‘Pinas, tsk!
◘◘◘
SA BARANGAY AT SK ELECTIONS, MARAMING SUGAPA SA DROGA ANG KAKANDIDATO—Tama ang ginawang panawagan ni Sec. Benhur Abalos ng Department of Interior and Local Government (DILG) na magpa-drug test ang mga nagnanais kumandidato sa mga barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Oktubre 2023. Ang sinumang mapatunayang adik ay dapat i-reject ng Comelec ang candidacy.
Sa totoo lang, sa dami ng drogang kumakalat ngayon sa bansa, ang dami ring sugapa sa droga na nagnanais kumandidato, boom!





Comments