Sa dagdag-pork barrel, happy ang mga korup; sa tapyas-pondo sa PGH, iyak ang mahihirap
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 31, 2022
DAPAT DAGDAGAN ANG PONDO NG PGH, HINDI BAWASAN—Binatikos ng mga health workers ang Department of Budget and Management (DBM) dahil kinaltasan ng higit P893 milyon ang budget ng Philippine General Hospital (PGH).
May dahilan ang mga health workers na batikusin ang DBM kasi imbes na dagdagan ang budget bilang ito nama’y pampublikong hospital, kung saan nagpapagamot ang mahihirap nating kababayan ay binawasan pa.
◘◘◘
KORUP LANG ANG HAPPY SA PORK BARREL, MAMAMAYAN NAMAN ANG MAKIKINABANG SA DAGDAG-PONDO SA PGH—Dapat ang pabawasan ni DBM Sec. Amenah Pangandaman ng budget ay ang isiningit ng mga kongresista at senador na pondo para sa kanilang pork barrel projects at hindi ang budget ng PGH.
Sa totoo lang, kung corrupt ang kongresista at senador ay sa bulsa lang nila napupunta ang pork barrel projects, kumpara sa PGH na ang budget dito ay napakikinabangan ng mahihirap na Pinoy na nagpapagamot.
◘◘◘
NAKAKAHIYA NA ARCHIPELAGIC STATE ANG ‘PINAS, TAPOS UMAANGKAT NG ASIN—May punto si Sen. Joel Villanueva sa kanyang sinabi na nakakahiya sa bansang tulad ng Pilipinas na sa kabila ng pagiging archipelagic country o bansang napalilibutan ng dagat na pinagkukunan sa paggawa ng asin ay mag-aangkat pa ng asin.
Dapat sibakin na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na umaakto rin bilang agriculture secretary ang mga inutil na opisyal ng Department of Agriculture kasi walang kadiska-diskarte ang mga ito kung paano pauunlarin ang salt industry sa ‘Pinas kung kaya’t kailangan pang mag-angkat.
◘◘◘
MANGRARAKET SA JURISDICTION NI GEN. KRAFT, PARANG MGA KABUTENG NAGSULPUTAN—Mula nang maging direktor ng SPD (Southern Police District) si P/Gen. Kirby John Kraft ay nagsulputan na parang kabute ang raket na lotteng, bookies at EZ-2 nina “Joy”, “Deck”, “Ricky”, “PJ”, “Allen” at “Josie” sa Muntinlupa City, Pasay City, Taguig City, Paranaque City, Makati City at Las Pinas City.
Dapat ipaaresto ni Gen. Kraft ang lahat ng ilegalistang ito sa kanyang jurisdiction para mapatunayan niya sa publiko na hindi niya kinukunsinte ang raket sa kanyang nasasakupan.





Comments