top of page

Sa away ng mag-ina… NANAY NI CARLOS YULO, MAS MARAMING KAKAMPI

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 13, 2024
  • 3 min read

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | August 13, 2024



Showbiz News
Photo: Circulated / Carlos Yulo

Dahil sa kaguluhan ngayon sa pagitan ni Carlos Yulo at ng kanyang pamilya, hindi tuloy maiaalis na ikumpara siya kay Manny ‘Pacman’ Pacquiao.


Sa mahirap na pamilya rin galing si Manny at nakita niya ang hirap ng kanyang ina na si Mommy Dionisia upang itaguyod silang magkakapatid. Hiwalay na kasi noon ang kanyang mga magulang. 


Sa bawat laban at tagumpay ni Pacman ay hindi niya nakakalimutan na banggitin at pasalamatan ang kanyang ina. Ibinili pa niya ito ng mansion sa GenSan at may kotse't alahas pa. 


Sagana rin sa mga branded na gamit si Mommy D.. Maging ang kanyang mga kapatid at ang kanyang tatay ay nabiyayaan din ni Pacquiao.


Well, hindi pinakialaman o hinadlangan ni Jinkee Pacquiao ang ginagawang pagtulong ni Pacman sa kanyang pamilya, kaya wala silang isyu sa pera. 


Sana, ganito rin ang mindset ni Carlos Yulo at matutong pahalagahan ang lahat ng sakripisyo ng kanyang inang si Angelica Yulo. Hindi dahil gold medalist na sa Olympics ay tatalikuran na niya ang kanyang pamilya. 


Hindi sa habampanahon ay magiging masaya si Carlos Yulo kung hindi siya tatanaw ng utang na loob sa kanyang mga magulang. Gayahin niya si Manny Pacquiao na isang mapagmahal na anak at kapatid.



ISANG hero’s welcome ang inihanda sa pagdating ni Carlos Yulo ngayong araw kasama ang ilang atleta na lumaban sa Paris Olympics 2024. 


Ipinagbubunyi ng sambayanang Pilipino ang tagumpay ng two-time gold medalist gymnast. Malaking karangalan ang ibinigay niya sa ating bansa.


‘Yun nga lang, medyo nagkaroon ng isyu at kontrobersiya dahil sa mga hinaing ng kanyang inang si Angelica Yulo na tutol sa nobya ng anak na si Chloe San Jose. 


Umagaw ng eksena ang pagpapalitan nila ng kanilang mga sama ng loob sa isa’t isa sa social media.


Sa halip na magdiwang at maging masaya ang lahat, humantong pa sa pagpapa-presscon ng ina ni Carlos upang humingi ng tawad sa kanyang anak.

Well, sa dami ng magulang na nag-react sa ginawa ni Carlos Yulo sa kanyang ina, mas marami pa rin ang kumampi kay Mrs. Angelica Yulo.


11 yrs. na, todo-enjoy lang sa pagta-travel…

RACHEL, OKS LANG NA WALA SILANG ANAK NG MISTER 


Rachel Alejandro

HINDI isyu sa singer-actress na si Rachel Alejandro ang hindi nila pagkakaroon ng anak ng kanyang mister na si Carlos Santamaria. 

Eleven years na silang kasal at mutual agreement nila ang hindi pagkakaroon ng anak.


Katwiran ng mister ni Rachel, mas gusto niyang mag-enjoy silang magkasama na nagta-travel sa iba’t ibang bansa at nagagawa ang mga bagay na nagpapasaya sa kanila. Hindi naman daw nila nararamdaman na may kulang sa kanilang buhay, kahit na wala silang anak. 


Hindi ikinukumpara ni Rachel Alejandro ang kanyang buhay sa mga couples na may mga anak na. Kani-kanya lang naman daw ng priorities kung ano ang nagpapasaya sa mag-asawa, kaya hindi na sila nagpapaapekto pa sa mga taong nangungulit sa kanila ni Carlos. 


Ang mahalaga ay masaya silang magkasama at walang pressure sa kanilang marriage.



NAPAKASUWERTE at overflowing ang blessings na dumarating sa buhay ngayon ng Primetime Queen na si Marian Rivera. Bukod sa pagiging Box Office Queen dahil sa success ng pelikulang Rewind na top-grosser noon MMFF 2023, heto at tumanggap siya ng parangal at acting award sa katatapos na Cinemalaya 2024.


Kasali sa mga entries sa Cinemalaya ang pelikula ni Marian na Balota. Marami sa mga nakapanood ang nagsasabing napakagaling ni Marian sa kanyang role bilang si Teacher Emmy. Truly deserving daw siya sa Best Actress award na kanyang napanalunan. Bale ito rin ang best birthday gift na kanyang natanggap sa taong ito.


Samantala, isang simpleng get-together ang inihanda ng kanyang pamilya para sa kanyang kaarawan. Pero, magbabakasyon sila ni Dingdong Dantes sa USA bilang regalo sa kanya. Super-proud si Dingdong sa mga achievements ng kanyang wife.


Minsan pang pinatunayan ni Marian na hindi kumukupas ang kanyang kasikatan at husay sa pag-arte kahit may asawa na siya at mga anak. Habang tumatagal ay nagle-level-up ang kanyang pagiging aktres. Hindi naman naging hadlang ang pagiging mommy niya upang maabot ang kanyang mga pangarap na magkaroon ng acting award.

ความคิดเห็น


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page