Russell, bumida sa Lakers nagwagi kontra Bucks
- BULGAR
- Mar 10, 2024
- 2 min read
Updated: Mar 11, 2024
ni Anthony Servinio @Sports | March 10, 2024

Ipinasok ni D’Angelo Russell ang huling 8 puntos ng Los Angeles upang maging susi sa 123-122 panalo sa bisitang Milwaukee Bucks sa NBA kahapon sa Crypto.com Arena. Bumida rin si NBTC Philippines graduate Jalen Green sa 123-107 tagumpay ng Houston Rockets sa Portland Trail Blazers.
Nagtala ng bihirang four-point play si Damian Lillard upang bigyan ang Bucks ng 118-112 bentahe at 1:56 sa orasan. Bumanat ng tres si Rui Hachimura at iyan ang hudyat para uminit si Russell hanggang maibalik ng kanyang shoot ang lamang sa Lakers may anim na segundong nalalabi, 123-122.
Matapos ang timeout ay pinalpal ni Spencer Dinwiddie ang tira ni Lillard upang mapanatili ang resulta. Umangat ang Lakers at 35-30 at kunin ang ika-siyam na puwesto sa Western Conference. Nagsabog ng 44 si Russell sa gitna ng pagliban ni LeBron James. Ang 44 ang kanyang pinakamarami ngayong taon subalit malayo sa 52 na naitala niya para sa Golden State Warriors sa 119-125 talo laban sa Minnesota Timberwolves noong Nobyembre 8, 2019.
Nasayang ang triple double ni Giannis Antetokoumpo na 34 puntos, 14 rebound at 12 assist. Tumira ng 28 si Lillard tampok ang apat na tres para maging 2,564 at pang-apat na may pinakamarami sa kasaysayan ng NBA sabay lampasan si Reggie Miller na may 2,560. Bumira ng 27 si Green, lima sa huling quarter kung saan tuluyan nilang iniwan ang kulang-kulang na Blazers. Tumulong si Fred VanVleet na may 18 at 10 assist.
Sa ibang laro, nagwagi sa overtime ang Cleveland Cavaliers kontra Timberwolves, 113-104. Gumawa ng 10 ng kanyang 33 at 18 rebound si Jarrett Allen sa overtime habang nanguna na may 34 si Darius Garland.
Dahilo nabigo ang Minnesota, naagaw ng Oklahoma City Thunder ang liderato ng West matapos manaig sa Miami Heat, 107-100. Halimaw si Shai Gilgeous-Alexander na bumuhos ng 37.








Comments