Rumaraket sa SIM Registration, sampolan!
- BULGAR
- Jan 8, 2023
- 1 min read
@Editorial | Enero 8, 2023
Ang tindi talaga ng mga pasaway, pati SIM registration hindi pinalampas.
Nagbabala ang National Telecommunications Commission (NTC) sa publiko laban sa mga nag-aalok ng tulong para sa SIM o Subscriber Identity Module registration.
Ito ay matapos mapaulat na ilang indibidwal ang nag-aalok ng tulong kapalit ng pera para irehistro ang SIM card ng isang indibidwal.
Sa ganitong eksena, posibleng magamit sa masama ang mga ibinibigay na impormasyon kung saan makikita ang pangalan, address maging ang ID na ginagamit din para sa registration.
Tandaan natin, libre lamang ang pagpaparehistro ng SIM.
Panawagan sa mga telcos, mag-text blast para balaan ang mga subscriber kaugnay sa naturang isyu.
Dagdagan din sana ang mga touch points sa iba’t ibang bahagi ng bansa para matulungan ang mga SIM user na senior citizen, persons with disabilities at mga residente sa malalayong lugar. Sa pamamagitan nito, hindi nila maisipang magpatulong kung kani-kanino na may bayad na nga, manloloko pa.
Likas na madiskarte ang Pinoy, pero huwag naman sanang gamitin sa masama. Matuto tayong lumaban nang patas. 'Yung mga sitwasyon na kaya nating tumulong sa kapwa, huwag namang gamiting pagkakataon para manlamang at kumita.
Kaya paalala sa gobyerno at publiko, maging mas mautak. 'Pag ang tulong kuno, eh may usapin na sa pera, kabahan ka na.
Iwasan ang mabilisang proseso, hindi porket mas mabilis kahit magbayad eh okay lang. Dahil sa huli magsisisi ka lang. Doon pa rin tayo sa legit na proseso, maaaring matagal, nakakaubos ng pasensya pero safe naman.
2023 na, huwag nang magpabiktima sa mga manloloko o scammer, dapat sa kanila, tinatabla, inilalantad at tinuturuan ng leksyon para hindi na tularan ng iba.



Comments