Rower Delgaco 4th place sa unang sagwan sa Olympics
- BULGAR
- Jul 27, 2024
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | July 27, 2024

Nagtapos na pang-apat si Joanie Delgaco sa kanyang karera sa Women’s Single Sculls ng Paris 2024 Olympics bilang unang Filipino na sumalang sa aksiyon Sabado. Hindi pa tapos ang laban para sa dating Volleyball player na lumipat sa Rowing at dadaan siya sa Repachage ngayong Linggo simula 3:00 ng hapon.
Umoras si Delgaco ng 7:56.26 sa likod nina Karolien Florijn ng Netherlands (7:36.90), Aurelia-Maxima Katharina Janzen ng Switzerland (7:41.15) at Nina Kostanjsek ng Slovenia (7:46.30). Ang unang tatlo ay pasok na sa quarterfinals habang si Delgaco at mga dinaig niya na sina Nihed Benchadli ng Algeria (8:06.62) at Majdouline El Allaoui ng Morocco (8:30.47) ay dadaan sa Repachage ngayong araw.
Si Viktorija Senkute ng Lithuania ang nagtala ng pinakamabilis na oras sa kabuuang 32 kalahok na 7:30.01. Pangalawa si Tara Rigney ng Australia (7:30.71) at pangatlo si Kara Kohler ng Estados Unidos (7:32.46) upang maging mga maagang paborito na mag-uwi ng medalya.
Makakaharap ni Delgaco sa Repachage sina Evidelia Gonzalez ng Nicaragua (8:23.25), Yariulvis Cobas ng Cuba (8:11.13), Pham Thi Hue ng Vietnam (8:03.84) at Akoko Komlanvi ng Togo (8:44.88). Kung oras ang batayan, mabigat na paborito ang Pinay dahil siya lang ang mas mababa sa walong minuto.








Comments