Rosas, tagumpay sa negosyo ang pahiwatig
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | May 10, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rowena ng Dasmariñas, Cavite.
Dear Maestra,
Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan, gayundin ang inyong pamilya sa sandaling mabasa n’yo ang panaginip ko.
Napanaginipan ko na nasa isang lugar ako na napakaganda, tahimik at payapa ang kapaligiran. May mga halaman din sa paligid ko, at ang gaganda ng mga bulaklak, lalo na ‘yung rosas. Ang sarap ng pakiramdam ko at para akong nakalutang sa alapaap.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Rowena
Sa iyo, Rowena,
Ang panaginip mo na nasa isang lugar ka na napakaganda, tahimik at payapa ang kapaligiran ay nagpapahiwatig na matatapos na ang mga paghihirap na dinaranas mo sa kasalukuyan. Unti-unti ka nang giginhawa at magiging simula na rin ito ng pagiging kuntento mo sa buhay. Matitikman mo na rin ang ganap na kapayapaan ng puso at isipan.
Samantala, ang magagandang halaman sa iyong kapaligiran, lalo na ‘yung rosas, masarap ang pakiramdam mo na para kang nakalutang sa alapaap ay nangangahulugan naman ng kaligayahan, tagumpay at kaunlaran sa larangan ng negosyo o kalakalan. Susuwertehin ka sa negosyo at tuloy-tuloy na ang pagyaman mo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments