top of page
BULGARY - NETIZENS, NAAARTEHAN NA KINA SARAH AT MATTEO_IG _matteog.jpeg

Romualdez, may alalay sa selda... Boying: Ano 'yan, mafia?

Writer: BULGAR
BULGAR
17 hours ago
2 min read

by Mervin Reyes @News | November 8, 2026



Boying Remulla - Office of the Ombudsman

Photo: Boying Remulla - Office of the Ombudsman



Mariing kinuwestiyon ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) matapos mabunyag na may personal na alalay si dating House Speaker Martin Romualdez sa loob ng New Quezon City Jail sa Payatas.


Ayon kay Remulla, walang sapat na dahilan upang payagan ang isang mayamang bilanggo na magkaroon ng sariling alalay na nagmumula sa labas ng kulungan.


“Walang dahilan 'yan para payagan 'yan. Ano 'yan merong nakakulong na mayaman na may alalay na galing sa labas. Ano 'yan, mafia? Mahiya naman kayo BJMP,” ani Remulla.


Nauna nang inamin ni Jail Superintendent Maria Lourdes Pacion sa Sandiganbayan na siya mismo ang nagbigay ng pahintulot upang manatili sa loob ng piitan ang personal staff ni Romualdez.


Ipinaliwanag ni Pacion na ginawa niya ito dahil sa makataong konsiderasyon, dahil hindi pa umano matatag ang mental na kalagayan ng dating House Speaker. Dagdag pa niya, wala rin silang sapat na tauhan upang personal na asikasuhin si Romualdez sa loob ng 24 oras.


Gayunman, iginiit ni Remulla na kailangang imbestigahan kung nagkaroon ng espesyal na pagtrato sa dating opisyal na nakapiit.


Ibinunyag din ng Ombudsman na natukoy na nila ang grupong posibleng sangkot sa naturang usapin, bagama't tumanggi siyang pangalanan ang mga ito.


“Identified namin anong grupo talaga ’yan. Ayoko lang banggitin yung mga pangalan. Kilala ko grupo nila. Malalim ’to,” dagdag ni Remulla.


Bilang bahagi ng pagsusuri, plano rin ni Remulla na magsagawa ng mga sorpresang inspeksiyon sa mga kulungan, kabilang ang mga pagbisita sa madaling-araw o hatinggabi, upang matiyak na nasusunod ang mga umiiral na regulasyon.


Nagbabala rin siya na maaaring matanggal sa serbisyo ang mga opisyal at tauhan ng BJMP na mapatutunayang lumabag sa mga patakaran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page