Robin Padilla, last year lang nagsabing gustong maging reservist, captain na ngayon ng Arescom
- BULGAR

- Aug 21, 2020
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 21, 2020
MAKAKAKOPO NG KONTRATA SA BICYCLE LANES, TIBA-TIBA—Humihirit ang Department of Transportation (DOTr) sa Senado at Kamara ng budget na higit P1-B sa panukalang “Bayanihan to Recover as One Act” para raw pampagawa ng bicycle lanes sa Metro Manila.
Ganu’n? Bicycle lanes lang, P1-B na? Aba, bongga!
Kung ganyan kalaking halaga, siguradong tiba-tiba ang makakakopo ng kontratang ‘yan, buwisit!
◘◘◘
PHILIPPINE ARMY, PINUTAKTI NG BATIKOS SA IBINIGAY NA RANGGO AT POSISYON KAY ROBIN PADILLA—Pinuputakti ngayon ng batikos ang Philippine Army (PA) sa pagbibigay ng ranggong “captain” sa Arescom (Army Reserve Command) kay Robin Padilla at pagtatalaga pa sa aktor bilang hepe ng communication panel ng Philippine Army Multi-Sectoral Advisory Board (MSAB).
Batikos talaga ang aabutin ng liderato ng PA, mantakin n’yo, ang mga kadete ng PMA (Philippine Military Academy) na apat na taong nag-aral at nag-training para maging sundalo, kapag grumadweyt ay ranggong 2nd lieutenant lang ang ibinibigay, tapos si Robin na last year (July 2019) lang nagsabing gustong maging reservist, eh, ngayon captain na, tapos naging hepe pa ng isang sangay ng Philippine Army, boom!
◘◘◘
CHINESE MANUFACTURER NA NAGLAGAY NG “MANILA PROVINCE OF CHINA”, DAPAT KASUHAN—Nais ni PBA partylist Rep. Jericho Nograles na i-ban sa Pilipinas ang Chinese hair product na “Ashley Shine Keratin” dahil ang nakatatak na address sa produktong ito ay “San Nicolas, Manila Province P.R. China.”
Sana ay hindi lang basta i-ban, kundi dapat imbestigahan ang mga may-ari ng Elegant Fumes Beauty Product, Inc. kung bakit nilagyan nila ng Manila Province, P.R. China na tatak ang kanilang produkto at kung kailangang sampahan ng mga kaukulang kaso ay sampahan dahil malaking insulto na ituring ng kumpanyang ito na probinsiya ng China ang Maynila, period!
◘◘◘
MORALES NG PHILHEALTH, “EXEMPTED” SA KORUPSIYON?—Labingtatlong opisyal ng PhilHealth na sangkot sa katiwalian ang sinuspinde ng Ombudsman sa puwesto, pero hindi nakasama dito si PhilHealth President Ricardo Morales.
Kulang na lang sabihin ng Ombudsman na kaya hindi nakasama si Morales sa sinuspinde ay dahil “exempted” ito sa korupsiyon, pwe!





Comments