top of page

Roberson MVP sa ika-2 C'ship ng Strong Group

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 days ago
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 22, 2025



Photo: Pormal na naigawad ang tropeo bilang kampeon ang Strong Group Athletics ng Pilipinas nang talunin ang UAE sa 44th William Jones Cup sa Taiwan. (sgapix)


Naabot ng Strong Group Athletics (SGA) ang hindi pa naabot ng mga nakalipas na kinatawan ng Pilipinas – ang magwagi ng dalawang magkasunod na William Jones Cup.  Pormal silang kinoronahan matapos manaig sa United Arab Emirates, 82-67, sa huling araw ng ika-44 edisyon torneo sa Xinzhuang Gym, New Taipei City. 

      

Kahit hindi siya ginamit laban sa UAE, sapat na ang ginawa ni Andre Roberson upang mapiling MVP ng torneo. Sinamahan siya ni kakampi Tajuan Agee at sina Chen Ying-Chung at magkapatid Robert Hinton at Adam Hinton ng host Chinese-Taipei A. 

      

Si Agee ang nanguna sa puntusan sa SGA na 15.3 bawat laro kahit lumiban siya ng dalawang beses dahil masakit ang paa. Pangalawa si Roberson sa 12.3 habang nanguna sa mga Filipino si Kiefer Ravena na humabol para sa huling limang laro para gumawa ng 11.2. 

      

Noong Sabado na pangalawa sa huling araw ng torneo ay itinahi na ng SGA ang kampeonato nang tambakan ang Bahrain, 92-68. Masasabing nakatanggap sila ng “tulong” mula sa Chinese-Taipei A na itinapal ang unang talo sa mga Bahraini noong Biyernes, 93-50.

      

Nagtapos ang mga Taiwanese (7-1) ng pangalawa sa ikatlong sunod na taon at pangatlo ang Bahrain (6-2) na natamasa ang pinakaunang medalya sa kompetisyon. Tabla sa 4-4 ang Chinese-Taipei B, Australia-NBL1 Rising Stars at Malaysia habang nasa ilalim ang Japan (2-6), Qatar (1-7) at UAE (0-8). 

      

Sinamahan nila ang listahan ng mga kampeong Pinoy na Northern Cement (1981), San Miguel Beer (1985), RP Centennial Team (1998), Gilas Pilipinas (2012 at 2016) at Mighty Sports (2019). Winalis din ng SGA ang 2024 Jones Cup para sa kabuuang 16-0 kartada.

      

Kung bibigyan ng pagkakataon, sisikapin ng SGA na pantayan ang tatlong sunod na kampeonato ng Iran mula 2009 hanggang 2011. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page