top of page
WINNER - SEN. ROBIN, IPINAGDIINANG DDS SI JOSHUA-FB Robin Padilla.jpg

Riot sa mass gathering, maiiwasan kung may control ang LGUs at kapulisan

  • BULGAR
  • Sep 12, 2022
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | September 12, 2022


Kasabay ng unti-unting pagluwag ng COVID-19 restrictions, kaliwa’t kanang mass gathering na ang nagaganap at kabilang na riyan ang mga concert.


Ngunit sa halip na magkasiyahan, may ilang pagtitipon na nauuwi sa sakit ng ulo dahil sa mga pasaway.


Kabilang na ang isang concert sa Digos City, Davao del Sur, na naging usapan sa social media matapos mauwi sa riot ang libreng concert na hatid ng lokal na pamahalaan sa Araw ng Digos City.


Base sa kumalat na video sa social media, makikitang nagsuntukan at naghampasan ng silya ang ilang kalalakihan sa naturang concert.


Ayon sa pulisya, anim na kalalakihan ang nahuli, na pawang mga residente ng Digos City.


Ang naturang indibidwal ay sasampahan ng kasong paglabag sa Article 155 ng Revised Penal Code o Alarms and Scandal, direct assault at disobedience upon an agent of person in authority.

Samantala, isang transwoman naman ang kakasuhan ng Digos City Police Station matapos umanong maghubad ng damit pang-itaas habang sumasayaw sa isa sa mga kasiyahan sa Araw ng Digos. Bagama’t humingi ng tawad sa pulisya ang transwoman, kakasuhan pa rin ito ng paglabag sa Article 200 ng Revised Penal Code o Grave Scandal.

Sa totoo lang, hindi talaga maiiwasang may mga pasaway na residente. Kaya naman kung magkakaroon ng ganitong klase ng mga pagtitipon, kailangang may plano ang mga awtoridad kung paano makokontrol ang paligid.

Isa pa, responsibilidad ng mga lokal na pamahalaan at kapulisan na matiyak na hindi malalagay sa panganib ang mga dumadalo sa pagtitipon.

‘Ika nga, hindi puwedeng puro saya lang, bago ang lahat, dapat payapa at walang magpapasaway.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page