Riding-in-tandem, hataw na naman sa pagpapakalat ng lagim!
@Editorial | January 19, 2021
Ilang buwan na tila nanahimik ang mga riding-in-tandem na kriminal dahil sa ipinatutupad na lockdown kaugnay ng COVID-19 pandemic.
Gayunman, kasabay ng unti-unting pagluwag ng community quarantine, unti-unti na namang humahataw ang mga magkaangkas sa motor na holdaper, snatcher, drug pusher at killer.
Sa pagsisimula pa lang ng taon, ilang insidente na ng pamamaril ang naiulat kung saan ang mga salarin ay pawang mga riding-in-tandem. Mula sa mga simpleng mamamayan hanggang sa mga opisyal ng gobyerno ang naging target.
Motorsiklo pa rin kasi ang pinakamadaling paraan para sila makatakas. Madalas wala ring plaka ang mga ‘yan at dahil naka-helmet, mahirap ding matukoy ang mga pagmumukha.
Kaya imbes na nakatuon ang mga awtoridad sa paglaban sa COVID-19 na sinasabayan na naman ng paglaganap ng ilegal na droga, eh, ito na naman ang mga riding-in-tandem na kriminal.
Kailangan na talagang magkaroon ng bago at mas matinding estratehiya laban sa mga ito.
Mula noon, hanggang ngayon, nananatiling hamon sa kapulisan at sa mismong gobyerno ang laban sa riding-in-tandem. Kailangan na ng mas matinding puwersa.
Baka dapat nang muling pag-usapan ang mga posibleng solusyon para matigil ang pamamayagpag ng mga kriminal na ‘to.



Comments