top of page

Ride-hailing apps, tiyaking safe sa mga pasahero

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 11, 2024
  • 2 min read

by Info @Editorial | September 11, 2024



Editorial

Isa na namang krimen ang kinasangkutan ng isang ride-hailing services.

Kamakailan ay naaresto ang isang driver at kasabwat nito matapos nakawan at pagsamantalahan ang isang babae.


Ayon sa imbestigasyon, nag-book ang biktima sa ride-hailing app. Maya-maya umano ay may isang lalaki na isinakay ang driver na tumutok ng kutsilyo sa biktima at kinuha ang kanyang pera at cellphone.


Hindi pa nakuntento ang mga suspek, hinalay pa umano ang biktima at inabandona sa harapan ng isang cargo company.


Nakakaalarmang isipin na ang isang serbisyo na binabayaran para sa ating seguridad ay maaaring maging daan pala ng karahasan.


Ang mga ride-hailing app, na pangunahing itinuturing na mas ligtas na alternatibo sa tradisyonal na transportasyon, ay hindi rin pala ligtas sa mga ganitong krimen.


Ang isa sa tanong na nais marinig ng taumbayan, paano nakakalusot ang mga ganitong kriminal na sistema sa ride-hailing apps? Sapat ba ang background checks? Kumpleto ba ang mga ito sa pagberipika ng criminal record ng mga aplikante? 


Hindi rin natin maiaalis ang responsibilidad ng kumpanya na nagbigay ng serbisyo. Bagaman negosyo ang kanilang pangunahing layunin, may moral na obligasyon silang tiyakin na ligtas ang kanilang mga pasahero.


Kailangan ng mas mahigpit na regulasyon at monitoring ng mga ahensya ng gobyerno upang matiyak na ang mga ride-hailing platforms ay sumusunod sa mga tamang pamantayan ng seguridad.


Nararapat lamang na bigyan ng hustisya ang biktima, at pagsikapan ng mga kinauukulan na hindi na maulit ang ganitong insidente. 


Kasama rito ang pagpapanagot sa mga responsable, hindi lamang ang mga kriminal kundi pati na rin ang mga kumpanyang naging pabaya.


Hangga’t hindi lubos na natutugunan ang isyu ng seguridad sa ride-hailing services, mananatiling banta ito sa mamamayan.

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page