Ride hailing apps, maging patas naman kayo!
- BULGAR
- Jun 10, 2022
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | June 10, 2022
Nakatakdang maglabas ng desisyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayong linggo hinggil sa umano’y overcharging na naisagawa ng isang ride-hailing app.
Ito ay matapos makatanggap ng reklamo ang LTFRB mula sa mga pasahero dahil sa “priority boarding fees” na umaabot umano nang P1,000 kada booking.
Ang siste, ‘pag nag-book ang isang pasahero at hindi magbabayad ng priority boarding fee, hindi madaling matatanggap ang booking. Ngunit kung pumayag naman sa dagdag-bayad, agad na matatanggap ang booking.
Matapos makatanggap ng reklamo, agad na nagpakalat ng “mystery riders” ang LTFRB at nakumpirmang may nagaganap na paniningil ng dagdag-bayad.
Samantala, ayon sa isang opisyal ng LTFRB, ang naturang kumpanya lamang ang nagbago ng fare matrix nang singilin ang mga pasahero nito ng optional na “priority boarding fee”.
Gayunman, naisumite na sa LTFRB board ang resulta ng naging operasyon ng kumpanya at inaasahang anumang oras mula ngayon ay maipapalabas na ang desisyon.
Unang binigyang-linaw ng LTFRB na labag sa batas ang ginagawang paniningil ng priority boarding fee at may karampatang parusa sa gagawa nito.
Sa totoo lang, nakakadismaya dahil sa gitna ng pahirapang pagko-commute dahil sa dami ng pasahero at kaunting PUVs, may ganito pang nangyayari.
‘Yung tipong, no choice na nga ang iba kundi pikit-matang magbayad nang mas mahal na pamasahe para lang makabiyahe, tapos hihiritan pa ng dagdag-singil.
Hindi pa nakakabangon ang marami sa atin, pero pinagsasamantalahan na ang pangangailangang makabiyahe. At bagama’t optional ang pagbabayad ng priority fee, nagiging dahilan pa rin ito kaya nahihirapang makapag-book ang iba.
Kaya panawagan sa mga kinauukulan, nawa’y maturuan ng leksiyon ang gumagawa nito. Masyado nang maraming problema ang mga komyuter, ‘wag na nating dagdagan pa.
Marami sa atin ang nagtitiyagang mairaos araw-araw. Aba’y maging patas naman kayo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Komentar