top of page
Search
  • BULGAR

Rice Tariffication Law, ‘short term solution’ na, dapat nang amyendahan

ni Ryan Sison @Boses | April 30, 2024



Boses - Ryan Sison


Para mas matulungan ang mga magsasaka, sinimulan na ng Kamara na talakayin ang planong pag-amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL) o RA 11203.


Sinabi ni House Committee on Agriculture and Food Chair Cong. Mark Enverga na maganda ang layunin ng nasabing batas na makatutulong sa ating mga magsasaka, subalit nagiging isyu pa rin ito dahil aniya, sa supply at presyuhan ng bigas.


Suportado naman ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu-Laurel na amyendahan na ang naturang batas. 


Sa naging rekomendasyon ng DA, sinabi ni Undersecretary for Rice Industry Development Christopher Morales na suhestiyon nilang i-modify ang import regulation na may exemption batay sa RA 8800, pagkakaroon ng timing sa paglalabas ng sanitary and phytosanitary import clearances partikular na sa panahon ng anihan, pagpapalakas sa regulatory function ng Bureau of Plant Industry (BPI) at bigyan ng kapangyarihan ang kalihim ng DA at Agricultural Training Institute (ATI) na mag-import ng bigas base sa ispesipikong kondisyon para masiguro ang sapat na buffer stock.


Isinusulong din ng DA ang para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund na mapalawig ito ng hanggang 2030.


Ayon kay Morales, sa nakalipas na limang taon ng pagpapatupad ng RTL, umabot na sa 27,500 units ng machinery at equipment ang naipamahagi kasama ang post-harvest facilities sa mga magsasaka, gayundin, P4.6 bilyon na pautang o loan sa may 65,000 na benepisyaryo sa ilalim ng Expanded Rice Credit Assistance Program at P20.1 bilyon na cash assistance sa ilalim naman ng Rice Farmers Financial Assistance (RFFA).

Iminungkahi pa ng kagawaran na gawing 55 porsyento ang pondo para sa makinarya, panatilihin sa 30 porsyento ang seed development, at ang training at extension services ay ibaba sa 5 porsyento at 5 porsyento rin para naman sa soil health improvement.


Panahon na sigurong maamyenda na ang Rice Tariffication Law. Hindi na rin kasi nagiging maganda ang epekto nito na nakaasa na lang ang ating bansa sa supply ng bigas sa iba. 


Tila nagiging short term solutions na lamang ang nakapaloob sa nasabing batas.

Pero dahil sa isinusulong na amyendahan ito, posibleng madagdagan ang pondo para sa ating agrikultura habang mapapalakas ang programa sa mga makinarya na magdudulot ng mas mataas na ani at iba pa.


Gayundin, matutulungan natin nang husto ang ating mga magsasaka at hindi na sila mahihirapan pa habang maaaring mag-udyok din ito sa kanila na mas sipagin at pag-igihan ang kanilang pagtatanim. 


Hiling natin na sana ay magkaroon ito ng magandang resulta sa lalong madaling panahon.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page