Rice smugglers, hoarders na kinasuhan, dapat isapubliko ng Customs
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | October 03, 2023
HIRIT NA CONFI FUNDS NG MGA GABINETE, GOVERNOR, MAYOR AT PORK BARREL FUNDS NAMAN SA MGA SEN. AT CONG. -- Hindi lang mga miyembro ng Gabinete ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) ang humihingi ng confidential funds, kundi pati mga gobernador at mayor sa buong bansa.
At kung ang mga miyembro ng Gabinete ni P-BBM, mga gobernador at mayor ay gustong may confidential funds sila, ang mga senador at kongresista ay tiyak pork barrel funds naman ang ihihirit.
‘Yan ang katotohanan kung bakit mahirap na bansa ang Pilipinas, kasi ang pera ng bayan ay parang pinagpaparte-partehan ng mga miyembro ng gabinete at ng mga trapo (traditional politicians), tsk!
◘◘◘
HUWAG SANANG MAPUNTA SA CONFI AT PORK BARREL FUNDS ANG INUTANG SA WORLD BANK NA $600-M -- Inaprub ng World Bank (WB) ang inuutang ng Marcos administration na $600 million para raw sa digitalization program ng Philippine gov’t.
Sana nga, sa digitalization program ng gobyerno mapunta ang inutang na ‘yan, at hindi sa confidential at pork barrel funds ng mga trapo mapunta, period!
◘◘◘
DAPAT ISAPUBLIKO NG CUSTOMS ANG MGA RICE SMUGGLERS, HOARDERS NA KANILANG KINASUHAN -- Ibinida ng Bureau of Customs (BOC) sa pamumuno ni Commissioner Bienvenido Rubio na sinampahan na raw nila ng kasong economic sabotage at smuggling ang tatlong rice smugglers, rice hoarders sa Bulacan. Ang masaklap, hindi naman pinangalanan kung sino ang kanilang mga kinasuhan.
Dapat isapubliko ni Comm. Rubio ang mga pangalan ng kanilang mga kinasuhan, kasi kung hindi ay baka magduda ang publiko na mga bodegero lang ang mga ito, eh kasi may pangyayari nang ganyan noong panahon ni ex-P-Duterte sa ni-raid na bodega ng shabu sa Valenzuela City. Ang sinampahan lang ng kaso ng Duterte administration ay ang bodegero, at ‘yung mga Chinese drug lords umano, lusot sa kaso, boom!
◘◘◘
LEGAL NA LOTTO NG GOBYERNO, KINUKUMPETENSYA NG ILEGAL NA LOTTENG SA PARAÑAQUE, LAS PIÑAS, NAVOTAS, CALOOCAN AT MAYNILA --Ang legal na lotto ng gobyerno ay kinukumpetensya ng ilegal na lotteng nina alyas “Joy” sa Parañaque City, alyas "Onie" sa Las Piñas City, alyas "Jodie" sa Navotas City, alyas "Edmon" sa Caloocan City at alyas "Lorna," "Boy Abang," "Paknoy" at "Alvin" sa Maynila.
Dapat ipag-utos nina Parañaque Mayor Eric Olivarez, Las Piñas Mayor Mel Aguilar, Navotas Mayor John Rey Tiangco, Caloocan Mayor Along Malapitan at Manila Mayor Honey Lacuna ang pag-aresto sa mga ilegalistang ito, kasi natatalo ang legal na lotto ng gobyerno sa raket na ilegal na lotteng ng mga gambling lords na ito, period!





Comments