ni Info @News | September 13, 2024
Walang patid ang paghahatid ng tulong ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. sa kanyang mga kababayan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nitong Miyerkules lang ng gabi (Septyembre 11) ay nagtungo ang butihing mambabatas sa kanyang sariling bayan sa Bacoor, Cavite upang tumugon sa mga biktima ng malaking sunog doon. Halos isang libong pamilya o mahigit sa apat na libong indibidwal ang lubhang apektado sa nasabing malawak na sunog at nawalan ng tirahan
Namahagi si Revilla ng hot meals sa lahat ng nasunugan na nanatili sa evacuation centers. Dagdag pa dito ay nag-abot rin siya ng damit at tsinelas para may pansamantalang magamit ang mga biktima.
“Pinuntahan natin kagabi yung mga kaawa-awa nating mga kababayan sa Bacoor na biktima ng sunog. Hindi po biro ang masunugan. Kaya buong puso akong nakikisimpatya sa ating mga kababayan at patuloy kong ipagdarasal ang kanilang kaligtasan,” ani ng mambabatas.
Agad-agad kinabukasan ay nagtungo naman si Revilla sa Lalawigan ng Catanduanes para mamahagi ng tulong pinansyal, partikular sa bayan ng San Andres at Virac.
Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nakapaghatid siya ng tulong sa libo-libong benepisyaryo.
Kasama ng batikang lingkod-bayan sina Cong. Jose “Bong” Teves, Jr., Gov. Joseph “Boboy” Cua, Vice Governor Peter “Boss Te” Cua, Mayor Leo Mendoza at Mayor Sammy Laynes.
Bukod sa tulong pinansyal, namigay rin si Revilla ng agricultural interventions sa mga magsasaka sa Catanduanes, sa tulong ng Department of Agriculture at ni Sec. Francis “Kiko” Tiu Laurel Jr.
“Binibigay lang po natin sa ating mga kababayan ang mga dapat naman talaga nilang natatanggap mula sa gobyerno. Nawa ay makatulong ito sa kanilang mga pang-arawang pangangailangan hanggang sa pag-unlad ng kanilang mga buhay,” ani ni Revilla
“Hindi po tayo magsasawang puntahan mismo ang ating mga kababayan para mag-abot ng tulong. Tungkulin po natin ito at kahit kailan ay hindi natin tatalikuran,” pagtatapos ng mambabatas. -30-
Kommentare