Responsable sa ‘Laguna Lake Tragedy’, tuluyan!
ni Ryan Sison @Boses | July 31, 2023
Hiniling ni Senador Grace Poe na patawan ng habambuhay na pagkakakulong ang kapitan ng bangkang de-motor na ‘Princess Aya’ na tumaob sa Binangonan, Rizal, at kumitil sa buhay ng 27 pasahero noong Hulyo 27.
Sinabi ni Poe, chairperson ng Senate Public Services committee, dapat harapin ng kapitan ang criminal charges para sa pagpayag sa mga pasahero na sumakay sa bangka, kahit alam nang overloaded ito.
Ang bangka ay patungo sa kalapit na isla ng Talim nang mangyari ang trahedya.
Ipinahayag din ni Poe ang pananaw, na isang independent organization o grupo sa gobyerno ang dapat magsagawa ng imbestigasyon sa sakuna sa Laguna Lake.
Itinuro niya ang kanyang panukalang batas na naglalayong lumikha ng isang National Transport Safety Board.
Samantala, ang kapasidad ng bangka na magsakay ng pasahero ay nasa 22 lamang ngunit mayroon umano itong sakay na higit 70.
Kaugnay nito, nakatakdang maghain ng resolusyon si Senador Raffy Tulfo ngayong araw para sa Senate inquiry hinggil sa nangyaring insidente,
Nauna nang sinabi ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III na pabor siya sa gagawing Senate inquiry dahil aniya, ang bulto ng mga nasawi sa Bagyong Egay ay nagmula sa trahedya sa Laguna Lake.
Sa totoo lang, hindi na kailangang manghimasok ng Senado sa trahedyang ito. Nar’yan ang Philippine National Police (PNP) na siyang dapat nag-iimbestiga. Subalit, sa rami ng mga nasawi dapat talagang makialam sila rito.
Marahil, may pananagutan din ang Philippine Coast Guard (PCG) sa nangyari dahil sa posibleng hindi nila umano natsek nang mabuti kung overloaded na ng pasahero ang naturang bangka.
Tila mayroong kapabayaan dito, at hindi pa rito natatapos dahil kung kailan nangyari na ang sakuna saka lamang nagkukumahog sa pag-iimbestiga.
Dapat siguro sa umpisa pa lamang ay naghigpit na ang mga kinauukulan, dahil kasabay nito ang anunsyong nakapasok na ang Bagyong Egay sa bansa habang hindi maganda ang lagay ng panahon.
Kailan ba tayo talaga matututo at ilang buhay pa kaya ang mawawala dahil sa nangyayaring kapabayaan? Sana, hindi na maulit pa ang ganitong trahedya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments