Resorts sa Chocolate Hills, buti nabulgar agad, kasi kung hindi baka may nagtayo na rin ng subdivision
- BULGAR
- Mar 21, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Marso 21, 2024
MATINDI NA ANG MGA ATAKE SA PRESIDENTE, PATI FIRST LADY BINANTAANG SASAMPALIN, PERO SI PBBM ‘DI KINAKITAAN NG GALIT. MABAIT BA SIYA O TAKOT LANG SA PAMILYA DUTERTE AT SA MGA DDS? -- Unang atake ni ex-P-Duterte kay President Bongbong Marcos (PBBM) na adik daw ito sa cocaine, sinundan ito ng panawagan ni Davao City Mayor Baste Duterte na mag-resign na siya sa pagka-presidente at malaking scam daw ang P20 per kilong bigas na campaign promise noon ni PBBM. Umatake uli ang ex-president, na namamasyal lang daw siya (PBBM) sa kanyang mga foreign trips, at sa prayer rally sa Liwasang Bonifacio ay sinabi ni DDS Glen Chong na gusto raw niyang sampalin si First Lady Liza Araneta-Marcos, at sa lahat ng mga isyung ito ay hindi kinakitaan ng galit ang presidente ng ‘Pinas.
Kaya’t ang tanong: Mabait lamang bang talaga si PBBM o malaki lang ang takot niya sa pamilya Duterte at sa mga DDS, kaya halos dedmahin lang niya ang mga matitinding banat sa kanya at pagbabanta sa kanyang misis? Period!
◘◘◘
LUMILIIT ANG MUNDO NG NAGPAPAKILALANG ‘SON OF GOD’ -- Matapos maglabas ng arrest order si House Speaker Martin Romualdez kay Pastor Apollo Quiboloy at pasampahan ni Justice Sec. Boying Remulla ng iba’t ibang kaso ang pastor, ay nagpalabas na rin si Senate President Migz Zubiri ng arrest order laban kay Quiboloy.
Dahil sa mga isyung ‘yan ay lumiliit na ang mundo ni Quiboloy na pakilala’y “son of God” daw siya, na ibig sabihin ay kapag natiyempuhan siya ng mga otoridad tiyak sa selda ang bagsak niya, abangan!
◘◘◘
BUTI NA LANG NABULGAR NA MAY MGA RESORT NA SA CHOCOLATE HILLS, KASI KUNG HINDI BAKA MAY MGA NAGTAYO NA RIN NG MGA SUBDIVISION DITO -- Buti na lang ay may isang vlogger na nag-post at nag-promote sa social media na may resort na sa Chocolate Hills sa Bohol na naging susi para batikusin ito ng netizens at umaksyon ang pamahalaan na ipa-stop ang operasyon nito dahil base sa executive order ng noo’y Pres. Fidel V. Ramos ay idineklarang protected area ito (Chocolate Hills) na ipinagbabawal ang pagtatayo ng mga establisimyento rito.
Kung hindi ito ipinost sa social media ng vlogger, aba’y baka magulat na lang ang publiko, na bukod sa mga resorts, baka may mga nagtayo na rin ng mga subdivision sa Chocolate Hills, boom!
◘◘◘
HINDI LANG NFA ANG DAPAT BUWAGIN, KUNDI PATI BUREAU OF PLANT INDUSTRY -- Matapos mabulgar ang anomalya ng National Food Authority (NFA) sa pagbebenta ng NFA rice sa murang presyo sa mga rice trader ay may umalingasaw din na anomalya sa Bureau of Plant Industry (BPI) patungkol sa missing na milyun-milyong pisong halaga ng mga coffee seedlings.
Sakaling totoo ito, aba’y hindi lang pala ang NFA ang dapat buwagin, kundi pati ang BPI para naman mabawasan ang mga kurakot sa pamahalaan, period!





Comments