top of page
WINNER - MAGULANG NI VINCENT, GALIT NA GALIT NA ITINAGO SA KANILA ANG KASAL KAY BEA-FB Nan

Religious leaders na sangkot sa pang-aabuso at krimen, tuluyan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 20, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 20, 2023


Matapos ang ginawang pagbubunyag sa umano’y “kulto” na kumikilos sa isang bayan ng Surigao del Norte, nanawagan ang isang mambabatas na imbestigahan ang umano’y “mga kaso ng rape, sexual abuse, forced labor, at child marriage” na ginawa ng natukoy na grupo.


Sa isang privilege speech nitong Lunes, isiniwalat ni Senador Risa Hontiveros ang existence ng isang “kulto” na kinilala niya bilang “Omega de Saloner”.


Ayon kay Hontiveros, nakakakilabot ang nabuong kulto sa Surigao, pero nakakagalit ang mga kaso ng panggagahasa, pananakit, at pilit na pagkakasal na ginawa sa mga menor-de-edad, at dapat na itong tapusin. Aniya, bilang chairperson ng Senate Committee on Women and Children, at isang ina, hiniling nitong huwag nating hayaang magpatuloy ang ganitong klase ng mga halimaw.


Sinabi rin ng senadora na ang naturang kulto ay dating tinatawag na Socorro Bayanihan Services, Inc. (SBSI), kung saan noong una ay inakalang isang lehitimong grupo hanggang ang sinasabing lider nito ay nag-claim na siya ang “bagong Hesus” noong 2017.


Mula noon, ang cult leader na kilala bilang “Senior Agila” ay nagawang kumbinsihin ang tinatayang 3,650 katao, kabilang ang 1,587 mga bata, na manirahan sa isang enclosed at napakaguwardiyadong lugar sa isang bundok na kilalang Sitio Kapihan sa bayan ng Socorro.


Iminungkahi rin ni Hontiveros ang Senate Resolution No. 797 na may petsang Setyembre 18 na aniya, kailangang imbestigahan ito ng Senado upang matugunan agad ang nakababahalang mga isyu at mailigtas ang mga bata laban sa mga nag-o-operate na “kulto”.


Matatandaan na naiulat kamakailan na sinibak ni Pope Francis ang isang pari na nakabase sa Borongan, Eastern Samar matapos maakusahan ng pang-aabusong sekswal sa mga menor-de-edad.


Gayundin, nadakip ng mga tauhan ng Manila Police District-Special Mayor Reaction Team (MPD-SMaRT) ang isang pastor na inireklamo ng paghahalay ng isang 15-anyos na dalagita sa Caloocan City.


Nakakaalarma ang mga nangyayaring krimen sa mga menor-de-edad na ang sangkot dito ay mga religious leaders.


Habang buo ang pagtitiwala ng lahat sa mga tinaguriang alagad ng Diyos kaya patuloy na sumusunod, heto sila na labis ang pananamantala at panloloko.


Ang masaklap pa ginagamit nila ang simbahan para lamang makapangmolestiya ng mga bata at kabataang babae.


Marahil, dapat na agad aksyunan ng gobyerno ang ganitong klase ng krimen. Hulihin ang mga masasangkot na sinumang religious leader at patawan ng mabigat na parusa upang matigil na at hindi na dumami pa ang magiging biktima.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page