Relasyong Virgo at Sagittarius, pang-fling lang kaya ‘di nagtatagal
- BULGAR
- Aug 31, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 31, 2021
Dear Maestro,
Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung compatible ba kami ng boyfriend ko na isang Sagittarius na isinilang noong December 12, 1997 at ako naman ay isang Virgo na isinilang noong September 7, 1998?
Madalas kasi kaming magkatampuhan sa maraming mga bagay, kaya iniisip kong hindi kami compatible sa isa’t isa, kaya naman balak ko na ring makipagbreak sa kanya dahil baka siya ang mapangasawa ko at hindi rin ako maging maligaya sa piling niya balang-araw.
Anu-anong zodiac sign at birth date ang ka-compatible ko para kapag nag-asawa na ako ay magkaroon ako ng maunlad at maligayang pamilya habambuhay?
Umaasa,
Loraine ng San Diego, Luisiana, Laguna
Dear Loraine,
Fling na relasyon lang ang kadalasang nangyayari sa relasyong Virgo at Sagittarius, ayon sa pang-istatistikang pagtaya tulad ng relasyon ninyo ng boyfriend mo. Ibig sabihin, marami ring Virgo at Sagittarius na naging magkarelasyon pero kadalasan ay hindi rin nagtatagal ang kanilang samahan. Nagkataon pang sa kaso mo, hindi rin naman compatible ang birth date niyang 12 o 3 (ang 12 ay 1+2=3) sa birth date mong 7.
Sa halip, tulad ng madalas nating ipaliwanag, ang ka-compatible ng 3 ay sila ring sakop o sapol sa numerong “series of 3-6-9”, ibig sabihn lahat ng numero o birth date na divisible by 3, tulad ng 12, 21, 30, 9, 18, 27, 15, 24 at iba pa ang siyang tunay na ka-compatible ng mga taong isinilang sa petsang 12 o 3 tulad ng boyfriend mo.
Samantala, ang ka-compatible naman ng 7, 16 at 25, na tulad ng birth date mo ay silang mga isinilang sa petsang 2, 11, 20, 29, 8, 17, 26, 1, 10, 19 at 28.
Sa kaso mo, bukod sa birth date na 7, ikaw din ay may zodiac sign na Virgo, kung saan ang Virgo ay may ruling planet na Mercury at si Mercury ay nagtataglay ng numerong 5. Ibig sabihin, bukod sa birth date na 2, 11, 20, 29 ay ka-compatible mo rin silang may mga birth date na 14, 23, 9, 18 at 27, kung saan magiging malapit din sa iyo ang mga taong may bitbit na numerong 1, 10, 19 at 28, gayundin silang may bitbit na numerong 4, 13, 22 at 31.
Pero ang dapat mo talagang maging boyfriend at mapangasawa ay silang mga isinilang sa zodiac sign na Taurus, Capricorn o Pisces na may birth date na 2, 11, 20, 29, 5, 14, 23, 8, 17 at 26 upang makaranas ka ng isang maligaya at panghabambuhay na pakikipagrelasyon. Ayon sa iyong Love Calendar, nakatakda na matagpuan mo ang lalaking tunay na ka-compatible mo at siya na ring iyong mapapangasawa sa taong 2021 sa buwan ng Agosto hanggang Setyembre sa edad mong 23 pataas.




Comments