top of page

Reklamo vs. traffic enforcer na kotong, puwedeng gawin online

  • BULGAR
  • Dec 12, 2022
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | December 12, 2022


Upang mapabilis ang paghahatid ng reklamo ng mga motorista laban sa mga tiwali at abusadong kawani ng Metropolitan Manila Development (MMDA), inilunsad ng ahensya ang “online complaint platform”.


Para makapaghain ng reklamo, kailangan lamang magpadala ng mensahe sa pamamagitan ng link na https://bit.ly/3J62YhH o i-scan ang QR code na makikita sa mmda.gov.ph.


Ayon kay MMDA Chairman Atty. Romando Artes, ang pagsusumite ng reklamo ay mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon, mula Lunes hanggang Biyernes. Nilinaw din na kapag naisumite ang form nang lagpas sa alas-5:00 ng hapon, ikokonsidera na ito sa susunod na araw para maasikaso.


Para makapaghain ng reklamo, kakailanganin ang pangalan, ticket number at reklamo.

Ipinag-utos din umano ni Artes na kailangang maresolba ng MMDA Traffic Adjudication Division ang anumang reklamo sa loob ng 72 oras.


Samantala, maaaring gamitin ang online form para kuwestiyunin o i-contest ang traffic citation ticket na ibinigay sa kanila hinggil sa traffic violations.


Matatandaang noong nakaraang linggo, isang MMDA traffic enforcer ang inaresto dahil sa pangongotong sa isang motorista sa Quezon City. Sasampahan ng kasong administratibo ang suspek, na posibleng magresulta sa pagkatanggal sa serbisyo.


Malaking bagay na maaari nang ireklamo ang mga ganitong katiwalian, ang maganda pa ay online.kaya madali itong magagawa.


Siguro nga, panahon na para tuluyang malinis ang hanay ng mga MMDA traffic enforcer dahil batid nating ang ganito ring sistema ang dahilan kaya lalong dumarami ang mga pasaway.


Ang siste, nagtatangkang manuhol ng mga violator kapag nasita ng enforcer.


Kaya kung matatanggal ang ganitong sistema, magtitino ang mga pasaway na drayber at hindi na madadaan sa suhol o kotong ang anumang paglabag sa batas-trapiko.


Bukod sa matitiyak na matuturuan ng leksyon ang mga abusadong enforcer, siguraduhin ding mabilis ang imbestigasyon at papatawan ng mabigat na parusa ang mapapatunayang tiwali sa kanilang hanay. Higit sa lahat, dapat maibalik ang tiwala ng publiko sa mga kawani ng MMDA.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page