top of page
SB19 at BINI PH - IG.jpg

Reklamo na paninirang puri ng kapitbahay, kailangan munang dumaan sa barangay bago iakyat sa korte

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 30, 2020
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 30, 2020


Dear Chief Acosta,


Nais kong sampahan ng kasong slander o defamation ang kapitbahay namin dahil sa malapastangang paninira ng pangalan ko sa harap mismo ng aking mga kaibigan at iba pang kalapitbahay. Gayunman, may nagpayo sa akin na dapat maisampa ko agad ito sapagkat ito diumano ay tinatawag na “light offense” lamang. Dahil dito, nais kong malaman kung maaaring hindi ko na isampa at padaanin pa ito sa barangay? – Mang Joe


Dear Mang Joe,


Ang sagot sa inyong katanungan ay hindi po. Nakasaad sa ating Revised Katarungang Pambarangay Law (Republic Act No. 7160 o Local Government Code of 1991) na lahat ng alitan, bilang isang patakaran ay dapat sumailalim sa Barangay Conciliation bilang isang kondisyon bago makapagsampa ng kaso sa korte.


Bagama’t mayroong exception kung saan hindi na kailangang sumailalim sa Barangay Conciliation ang isang kasong kriminal, ito ay naaangkop lamang kapag ang nakasaad na parusa ng pagkakakulong ay lumagpas ng isang (1) taon. Ang partikular na probisyon sa naturang batas tungkol dito ay nakasaad sa ibaba:


“All disputes are subject to Barangay conciliation pursuant to the Revised Katarungang Pambarangay Law and prior recourse thereto is a pre-condition before filing a complaint in court or any government offices, except in the following disputes:
xxx  xxx  xxx
6. Offenses for which the law prescribes a maximum penalty of imprisonment exceeding one (1) year or a fine over five thousand pesos (P5,000);
xxx  xxx  xxx.”

Kaugnay ng nabanggit na probisyon, mahalagang malaman kung ano nga ba ang parusa kapag ang akusado ay mapatunayang nagkasala sa kasong slander. Ayon sa Article 358 ng Revised Penal Code, ang parusa sa kasong slander ay arresto menor. Ang ibig sabihin ng arresto menor ay pagkakakulong ng isa (1) o hanggang tatlumpung (30) araw:


“Arresto menor. - The duration of the penalty of arresto menor shall be from one day to thirty days.”

Sa gayon, sapagkat hindi lumagpas ng isang (1) taong pagkakakulong ang parusa sa kasong slander, malinaw base sa mga nabanggit na dapat munang magkaroon ng Barangay Conciliation bago isampa sa korte ang inyong kaso.


Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page