Search
  • BULGAR

Reklamo laban sa employer na hindi nagre-remit ng kontribusyon sa SSS

@Buti na lang may SSS | April 11, 2021


Dear SSS,


Ako ay gasoline boy at nanilbihan sa aking employer ng halos pitong taon. Subalit, dahil sa kasalukuyang pandemya ay napilitang magbawas ng manggagawa ang aking pinapasukang gas station. Isa ako sa natanggal sa trabaho. Regular akong kinakaltasan ng SSS contribution ngunit ng nag-check ako sa SSS ay walang remittance ang aking dating employer. Ano ang dapat kong gawin? – Paul


Sagot


Ikinalulungkot naming isa ka sa nawalan ng trabaho sanhi ng kasalukuyang pandemya. Bilang tugon sa iyong hinaing, hindi mo nabanggit ang buo mong pangalan at SS number maging ang kumpletong pangalan ng iyong dating employer at address nito upang amin sanang maberipika ang iyong rekord at sa iyong dating employer, at maipagbigay-alam sa nakasasakop na sangay ng SSS upang maimbestigahan.


Iminumungkahi namin sa ‘yo na maghain ng non-remittance complaint laban sa iyong dating employer sa pinakamalapit na sangay ng SSS para maimbestigahan ang iyong reklamo. Magdala ng payslip bilang katunayan na kinakaltasan ka ng hulog sa SSS. Gayundin, magdala ng company ID o anumang patunay na ikaw ay empleyado ng nasabing gas station.


Huwag matakot na maghain ng reklamo laban sa iyong dating employer sapagkat mayroong rule on anonymity ang SSS kung saan hindi ibubunyag ang pangalan ng nagrereklamong miyembro. Dagdag pa rito, maaaring maging dahilan ang hindi pagre-remit ng iyong dating employer upang hindi makinabang sa mga benepisyo ng SSS.


Kung makitaan ng paglabag ang iyong dating employer sa mga responsibilidad nito sa ilalim ng Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018, mahaharap siya sa kasong paglabag sa SS law at pagbabayarin ng kanyang obligasyon sa SSS.


◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "Philippine Social Security System" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates."


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.