Regulasyon at proseso sa pagbabakuna kontra COVID-19, dapat linawin!
- BULGAR

- Dec 29, 2020
- 1 min read
@Editorial | December 29, 2020
Kasunod ng pag-amin ni Pangulong Rodrigo Duterte na marami nang nagpaturok kontra COVID-19, kinumpirma rin ni Interior and Local Government Sec. Eduardo Año na bukod sa mga sundalo ay may ilan nang miyembro ng gabinete ang nabakunahan na.
Kaugnay nito, nilinaw naman ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi ipinagbabawal ng batas sa Pilipinas ang pagpapaturok kontra COVID-19.
Ang tanging ipinagbabawal umano ay ang distribusyon at pagbebenta ng bakuna.
Ayon pa sa kalihim, itinurok ang bakuna sa mga sundalo na pumayag na magpabakuna.
Maaari umanong donasyon ang mga bakuna at puwede ring may basbas ng commanders dahil hindi naman aniya aito makararating sa mga sundalo.
Sa ngayon, wala pang ibinibigay na awtorisasyon ang Food and Drug Administration (FDA) ng Pilipinas sa anumang uri ng bakuna kontra COVID-19.
Hindi tuloy maiwasang kuwestiyunin ito. Unang-una, puwede bang gumamit ng bakuna nang hindi pa aprub? Sigurado bang ligtas ang itinurok sa mga sundalo at kawani ng gobyerno? Kaninong bulsa nanggaling ang ipinambili? Kung sinasabing donasyon, okay lang ba? Kung galing sa pondo ng bayan, hindi ba’t may sinasabing listahan kung sino ang mga dapat maunang maturukan?
Ilan lamang ito sa maraming katanungan kaugnay ng ibinulgar na marami na umanong naturukan ng bakuna kontra COVID-19.
Hindi pa nagsisimula ang mismong pagbabakuna mukhang lumalabo na ang usapan.
Pakiusap sa mga kinatawan ng gobyerno, maging malinaw sa bawat regulasyon at proseso upang maiwasan ang gulo.



Comments