Refund ng premiums ng yumaong asawa ang ibibigay ng insurance company
- BULGAR
- Jul 31, 2024
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 31, 2024

Dear Chief Acosta,
Ang aking asawa ay kumuha ng life insurance noong Disyembre 2019 at inilagay niya akong beneficiary. Makalipas ang dalawang linggo matapos mabayaran ang premium, nakuha na rin namin ang kopya ng insurance policy sa aming tahanan. Sa kasamaang palad, yumao ang aking asawa ngayong taon dahil sa sakit sa puso. Nagpunta ako sa insurance company upang kunin ang mga death benefit na nakasaad sa kanyang life insurance policy. Nagulat ako nang sabihin ng insurance company na ang makukuha ko lamang ay ang refund ng premiums na binayaran ng aking asawa dahil itinago diumano ng aking asawa ang kanyang sakit sa puso. Hanggang sa ngayon ay wala pa rin akong nakukuha. Hindi ko ba talaga makukuha ang death benefits na nakasaad sa life insurance policy ng aking asawa? Aantayin ko ang inyong kasagutan. Maraming salamat.
– Melinda
Dear Melinda,
Para sa iyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa sitwasyon na iyong inilahad ay ang Section 48 ng Amended Insurance Code of the Philippines (Republic Act No. 10607). Ayon sa nasabing batas:
“Section 48. Whenever a right to rescind a contract of insurance is given to the insurer by any provision of this chapter, such right must be exercised previous to the commencement of an action on the contract. After a policy of life insurance made payable on the death of the insured shall have been in force during the lifetime of the insured for a period of two (2) years from the date of its issue or of its last reinstatement, the insurer cannot prove that the policy is void ab initio or is rescindable by reason of the fraudulent concealment or misrepresentation of the insured or his agent.”
Paliwanag din ng ating Korte Suprema, sa kasong Sun Life of Canada (Philippines), Inc. vs. Sibaya (G.R. No. 211212, June 8, 2016, Ponente: Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Bienvenido L. Reyes):
“After the two-year period lapses, or when the insured dies within the period, the insurer must make good on the policy, even though the policy was obtained by fraud, concealment, or misrepresentation.”
Malinaw na nakasaad sa ating batas na ang insurance company ay may dalawang taon simula sa effectivity ng life insurance contract at habang ang insured (ang taong kumuha ng insurance) ay buhay pa upang patunayan na walang bisa ang insurance policy dahil sa pagtatago ng sakit o panloloko ng insured. Matapos ang nasabing panahon, kailangang tuparin ng insurance company ang obligasyon nito.
Samakatuwid, sa iyong sitwasyon, ikaw ay may karapatang makuha ang mga death benefit na nakasaad sa life insurance policy ng iyong asawa. Hindi na maaaring sabihin ng insurance company na walang bisa ang policy na nakuha ng iyong asawa noong taong 2019 dahil lampas dalawang taon na itong may bisa nang pumanaw ang iyong asawa.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments