Red Tide Alert
ni Lolet Abania | July 25, 2022

Nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa publiko sa pagkain ng lahat ng uri ng shellfish at acetes o alamang mula sa tatlong coastal areas na nagpositibo sa test sa toxic red tide.
Sa isang bulletin, sinabi ng BFAR na ang mga shellfish na nakolekta sa coastal waters ng Dauis at Tagbiliran City sa Bohol, Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur, at Lianga Bay sa Surigao del Sur ay positibo sa test sa paralytic shellfish poison (PSP) na mataas sa regulatory limit at hindi ligtas ang mga ito na kainin.
Gayunman, ang mga isda, pusit, hipon at crabs ay ligtas naman kainin kung ang mga ito ay fresh o sariwa, habang ang mga bituka at hasang nito ay tinanggal, at nilinis ding mabuti bago lutuin, ayon sa ahensiya.
Samantala, ini-report naman ng BFAR na ang mga coastal waters ng Milagros sa Masbate at Litalit Bay sa Surigao del Norte ay ligtas na ngayon laban sa toxic red tide.





Comments