top of page
Search
  • BULGAR

Rat na nagbabalak ikasal, ngayong taon dapat ituloy

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Ika-2 Araw ng Abril, 2024



Ipagpatuloy  natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Rat o Daga. 


Ang Rat o Daga ay silang mga isinilang noong 1924, 1936, 1948, 1960, 1972, 1984, 1996, 2008, 2020, at 2032.


Bukod sa Unggoy, ang Daga ay ka-tugma o ka-compatible rin ng Dragon sa tinatawag na “triangle of affinity’, kung saan ang Dragon ang iiral na animal sign ngayong 2024. Ibig sabihin, tiyak na susuwertehin ang Daga sa halos lahat ng aspeto ng kanyang buhay sa buong taong ito.


Sa first hanggang second quarter ngayong taon, sinasabing maraming ambisyon ang Daga at maluluhong pangarap na dahan-dahan at isa-isang matutupad. Bagama’t hindi lahat ng pangarap ng Daga ay magkakatotoo sa kasalukuyang taon, may mga pangyayaring higit sa inaasahan niya sa larangan ng materyal na bagay at salapi ang maidadagdag sa kanya, higit lalo sa kalagitnaang bahagi ng taong 2024.


Bagama’t marami ang aasa sa kanya, dahil siya ay nakikitang sinusuwerte sa larangang pampinansyal, habang may umaasa sa kanya, hindi naman niya dapat ito pagdamutan dahil tulad ng nasabi na, tuluy-tuloy ang dating ng suwerte sa Daga ngayong 2024, higit lalo sa aspetong pampinansyal.


May magagandang oportunidad ding darating bago matapos ang taon, sa buwan ng Setyembre hanggang Oktubre, na kung susunggaban lang nang susunggaban ng Daga ang nasabing mga oportunidad, ito ang magpapataas pa lalo ng kanyang karangalan, achievement at savings sa larangan ng career at aspetong pampinansyal.


Kaya kung ikaw ay isang Daga, dapat sa taong ito ng 2024, wala kang dapat palampasin, anumang oportunidad at magagandang kapalaran darating sa iyo. Oo, hindi ka dapat umiwas at magdahilan, dahil ang pagdating ng suwerteng panahon, tulad ngayong Year of the Green Wood Dragon ay paminsan-minsan lang dumarating sa kapalaran at buhay ng isang Daga, kaya huwag na huwag mo itong palalampasin, kundi saidin mo nang lubos ang lahat ng pagkakataong magbubukas upang lalo pang umunlad ang iyong career, propesyon, salapi at karangalan, dahil ang lahat ng ito ay sadyang regalo sa iyo ng langit.


Sa negosyo at pangangalakal, bagama’t tuluy-tuloy na tataas ang graph ng pag-unlad, paglaki ng tubo at puhunan, hindi naman ka naman dapat magmadaling yumaman, dahil may babala na kapag masyado kang nagmadali at pumasok sa mga transaksyon wala kang gagawin, ngunit kikita ka pa rin ng malaking halaga, ito ay maaaring scam.


Sapagkat, sa taong ito ng 2024, may babala rin sa isang Daga na kung hindi magiging mapagmatyag at maingat, maaari kayong maloko ng malaking halaga ng mga nag-aanyong tutulong at kaibigan, ngunit may mas malalim pa lang motibo na lokohin, pagsamantalahan at dayain ka ng malaking halaga at huli na ang lahat kapag natuklasan mong naloko o na-scam ka na pala.   


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, bagama’t magiging matamlay ang aspetong pangromansa sa unang hati ng taon, muli naman itong iinit at sasarap sa kalagitnaan ng taon,  hanggang sa last quarter ng taon lalo na sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre.


Sa mga binata at dalaga na nagbabalak mag-asawa o magpakasal, paborable naman sa inyo ang taong ito ng Green Wood Dragon para magsimula ng isang maunlad at maligayang pamilya, higit lalo sa buwan ng Abril, Hunyo, Setyembre, Oktubre at Nobyembre. Mas maganda kung itutuon ang pag-iisang-dibdib sa panahon nasa first quarter, new moon o kaya’y full moon ang buwan sa kalangitan, upang tulad ng papalaki at papabulas na buwan sa langit, tuluy-tuloy ding uunlad at magiging maligaya ang papasukin n’yong relasyon o pagpapamilya.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.

 

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page