Random drug testing sa mga terminal, ituloy!
- BULGAR
- Sep 6, 2022
- 1 min read
ni Ryan Sison - @Boses | September 6, 2022
Umabot sa siyam na drayber at kundoktor ng public utility vehicle (PUV) ang nagpositibo sa droga.
Ito ay matapos ang isinagawang random testing ng mga awtoridad sa Parañaque Integrated Exchange (PITX) sa Parañaque City upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero na gumagamit ng mga pampublikong transportasyon.
Katuwang ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Southern Police District (SPD).
Sa naturang operasyon, nasa 368 tsuper at konduktor ang sumailalim sa random drug test at base sa inisyal na pagsusuri sa urine samples ng mga ito, nabatid na anim na drayber at tatlong kundoktor ang nagpositibo.
Nai-turn over na sa kinatawan ng LTO ang mga nagpositibo para sa kaukulang disposisyon, habang isinailalim sa confirmatory tests ang kanilang urine samples.
Gayundin, kinumpiska ang lisensya ng mga drayber upang matiyak na hindi muna makakapagmanaheo ang mga ito.
Malaking bagay na tinitiyak ng mga awtoridad ang kaligtasan ng mga biyahero, at hangad nating maisailalim ang lahat ng mga tsuper at kundoktor sa naturang test.
Tungkulin ng mga awtoridad na matiyak na nabibigyan ng ligtas at maayos na biyahe ang mga komyuter, kaya pakiusap sa mga kinauukulan, panagutin ang mga pasaway na tsuper.
Sana’y magsilbi itong paalala na kaakibat ng pagkakaroon ng lisensya ang tungkulin na nasa maayos na kondisyon ang nagmamaneho at hindi puwedeng malagay sa panganib ang buhay ng mga pasahero.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments