Radio news anchor sa Lanao del Norte, kinatay
- BULGAR

- Mar 18, 2022
- 2 min read
ni Lolet Abania | March 18, 2022

Isang radio news anchor na nakabase sa Lanao del Norte ang natagpuang patay sa loob ng kanyang tirahan na tadtad ng saksak sa katawan nitong Huwebes ng umaga.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Audrey Gaid Estrada, 59-anyos, biyuda at radio news anchor ng 101.3 Grace Covenant FM sa Bacolod.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Salman Saad ng Lanao del Norte Police, natagpuan ng isang motorcycle shop owner ang wala nang buhay na si Estrada nang pumunta ito sa bahay ng biktima.
Agad na nagtungo ang shop owner sa kapatid nitong babae para ipaalam ang nakita. Habang ini-report naman ng kapatid ng shop owner ang insidente sa pulisya. Dinala pa ng mga pulis si Estrada sa pinakamalapit na ospital subalit, idineklarang dead-on-arrival ang biktima matapos na magtamo ng 15 tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nagsasagawa na ang mga awtoridad ng imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo nito sa pagpatay. Ayon sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na “mariing kinokondena” nila ang nangyaring pagpatay sa radio news anchor, habang hiniling na rin sa mga concerned law enforcement agencies na magsagawa ng anila, “swift and thorough investigation”.
“We send our deepest condolences to the family, loved ones, and colleagues of Ms. Estrada,” sabi ni PTFoMS executive director Jose Joel Sy Egco sa isang statement ngayong Biyernes.
“Rest assured that this government will not rest until the perpetrator of this heinous crime is brought to justice,” ani pa ni Egco.
Sinabi pa ng task force na ang lokal na gobyerno ng Bacolod ay nag-alok na rin ng pabuya sa sinuman na makapagbibigay ng impormasyon na magreresulta para sa ikadarakip ng suspek.
Binanggit naman ni Egco na base sa mga ebidensiyang nakalap, naniniwala si Police Lieutenant Colonel Michelle Olaivar ng Police Regional Office (PRO) 10 public information office (PIO) na ang pagpatay sa biktima ay walang kaugnayan sa trabaho nito na isang radio announcer.








Comments