PWD at Senior discount, tiyaking napapakinabangan
ni Ryan Sison - @Boses | July 30, 2022
Hinihikayat ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga senior citizens at persons with disabilities (PWD) na gamitin ang kanilang 5% special discounts para sa mga basic necessities at prime commodities.
Ang nasabing 5% na diskwento ay bukod pa sa 20% regular discount na sumasakop sa iba’t ibang bilihin at serbisyo.
Paliwanag ng DTI, maaaring makabili ang mga senior citizens at PWD nang hanggang P1,300 kada linggo thru online at offline para sa kanilang personal at exclusive consumption.
Samantala, nanawagan naman ang DTI na isumbong sa kanila ang sinumang establisimyento na hindi magbibigay na diskwento sa mga senior citizens at PWD dahil ito ay nakapaloob sa batas.
Kung tutuusin, sa taas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo ngayon, malaking tulong para sa mga kababayan nating may kapansanan at senior citizens ang discount na ito.
Kaya hangga’t pinapayagan ng batas, dapat lang na gamitin ang mga naturang diskwento.
Pero bago ang lahat, sana’y hindi maabuso ang batas, kumbaga, sana’y matiyak na ang mga may “K” lang ang makikinabang sa mga ibinibigay na diskwento.
Matatandaang naging problema ang diumano’y pang-aabuso rito kung saan kahit hindi maituturing na PWD ay nakakakuha ng discount.
Kaya habang hinihikayat natin ang mga PWD at senior citizens na gamitin ang prebilehiyong ito, sana’y mabantayang maigi na hindi ito naaabuso.
At sa mga establisimyento, ‘wag nating isnabin ang pagbibigay ng diskwento. Hindi ito dapat ipagkait sa mga dapat makinabang dahil ito ang nakasaad sa batas.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments