top of page

Putin nag-imbak daw ng tone-toneladang ginto, Russia 'di basta babagsak

  • BULGAR
  • Apr 11, 2022
  • 2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | April 11, 2022



IKINAMBAL na ni Vladimir Putin ang Russian currency na rubles sa gold.


Ibig sabihin, mas matatag ang rubles kaysa sa dolyar.


◘◘◘


SANREKWA ang ginto ng Pilipinas, puwedeng ipambili ito ng petrolyo sa Russia at iba pang produkto.


Pero, tiyak na magseselos ang Kano.


◘◘◘


MAPUPUWERSA ngayon ang ilang bansa sa Europe na gumamit ng ruble na nakakambal sa gold bilang pambili ng gas.


Pero, iyan ay tiyak na iiwasan nila.

Bakit? Makakarekober kasi ang Russia at babagsak ang euro.


◘◘◘


PERO, hindi kayang takutin ng US at NATO ang China kaya’t puwedeng tuloy ang transaksiyon ng Russia at Beijing gamit ang ruble at gold.


Ibig sabihin, hindi basta-basta guguho ang Russia dahil nag-imbak ng tone-toneladang gold si Putin bago giyerahin ang Ukraine.


◘◘◘


IISA ang malinaw, sa ayaw o sa gusto mo — may bago nang anyo ang lahat ng aspekto sa modernong daigdig.


Sa kasaysayan, masasapawan na ang marka sa kalendaryong “before Christ" at "after Christ” ng “before COVID" at "after COVID” period of time.


◘◘◘


ANG COVID ay nakambalan ng giyera ng Russia na gagarantiya ng bagumbagong political, economic at cultural order sa daigdig.


Maging ang kaisipan ng ordinaryong tao ay nagbago na.


◘◘◘


ANG mainstream media ay nagbagong anyo na rin dahil tayo ay nabubuhay na sa digital multi-media.


May bago nang anyo ang newsprint media, radio at TV dahil nakapasok na sa kaloob-looban ang internet.


◘◘◘


ANG mga kabataan ay nagkakasya na lamang sa loob ng kanilang silid-tulugan tulad ng mga ermitanyo sa sinaunang panahon na nagsusuri sa loob ng munting kuweba.


Pero, taliwas sa ermitanyo, ang mga kabataan ay nakikipag-ugnayan sa pinakamalalayo at kasuluk-sulukang bahagi ng daigdig gamit ang kompyuter at mga gadgets.


◘◘◘


KAHIT ang proseso sa relihiyon ay nagbago na rin, mayroon na kasing online mass at online preaching.


Hindi na kailangan pang pakainin ng “2 isda at limang tinapay” ang mga tao na makikinig ng sermon, bagkus ang lecture ng “bagong kristo” ay mapapanood na sa selpon habang nasa loob ng banyo at kusina ang mananampalataya.


◘◘◘


BAGUMBAGO na ang lahat.


Pero, ang gobyerno at iskul bukol ay nakasandal pa rin sa lipas nang aklat at mga modules na nakapundasyon sa sinaunang panahon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page